ISANG malaganap na paniniwala ng di mabilang na mga tao sa daigdig na ang kamatayan ni Cristo raw ay para sa lahat ng tao at hindi maaaring angkinin ng sinomang grupo o pangkatin ng pananampalataya lamang. Madalas na madinig natin sa kanila ang mga salitang ito:
“JESUS DIED FOR THE SINS OF THE WORLD"
Kaya nga kapag daw may isang pangkatin ng relihiyon na magtuturo na sila lang ang maliligtas o sila lang ang tinubos ni Cristo ito raw ay bulaang mangangaral. Dahil sa katotohanan nga raw ay namatay si Cristo sa Krus upang tubusin ang lahat ng kasalanan ng tao sa daigdig.
At may ginagamit pa silang talata:
1 Timoteo 2:6 “NA IBINIGAY ANG KANIYANG SARILI NA PANGTUBOS SA LAHAT; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;”
Ginagamit nila ang verse na ito bilang kanilang batayan na ang lahat ng tao sa daigdig ay nasasakop ng ginawang pagtubos at ng pagkamatay ni Cristo. Tama kaya ang pagkaunawa nila sa talatang ito? Ang salita kayang LAHAT na binabanggit diyan ay kumakatawan sa LAHAT NG TAO sa mundo?
Hindi ba lalabas niyan na kung lahat ng tao sa mundo ay NATUBOS ng dugo ni Cristo, samakatuwid ay wala nang mapapahamak, wala nang mapaparusahan pagdating ng ARAW NG PAGHUHUKOM, kasi nga maliligtas na ang lahat eh, hindi po ba? Ganun ba sabi ng Biblia?
Juan 5:28-29 “Huwag ninyong ipanggilalas ito: sapagka't dumarating ang oras, na ang lahat ng nangasa libingan ay makaririnig ng kaniyang tinig, At magsisilabas; ang mga nagsigawa ng mabuti, ay sa pagkabuhay na maguli sa buhay; at ANG MGA NAGSIGAWA NG MASAMA, AY SA PAGKABUHAY NA MAGULI SA PAGHATOL.”
Dito pa lamang sa sinabing ito ng TAGAPAGLIGTAS ay napakaliwanag na HINDI LAHAT ng TAO ay MALILIGTAS, kasi nga sa Araw ng Paghuhukom ay may mga tao na bubuhaying maguli para sa PAGHATOL.
Eh gaano ba kadaming tao ang mapaparusahan sa Araw ng Paghuhukom?
Apocalypsis 20:7-10 “At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan, At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ANG BILANG NILA AY GAYA NG BUHANGIN SA DAGAT. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok. At ang diablo na dumaya sa kanila ay ibinulid sa dagatdagatang apoy at asupre, na kinaroroonan din naman ng hayop at ng bulaang propeta; at SILA'Y PAHIHIRAPAN ARAW AT GABI MAGPAKAILAN KAILAN MAN.”
Maliwanag ang pahayag ng Biblia, kung gaano kadaming tao ang mapaparusahan sa Araw ng Pahuhukom, sabi ng talata, singdami ng Buhangin sa Dagat. Kaya maliwanag na maliwanag na ang HINDI TOTOO NA LAHAT NG TAO AY MALILIGTAS at LAHAT NG TAO AY NATUBOS NG DUGO NI CRISTO.
Gaano ba kahalaga ang matubos tayo ng Dugo ni Cristo:
Efeso 1:7 “Na sa kaniya'y mayroon tayo ng ating KATUBUSAN SA PAMAMAGITAN NG KANIYANG DUGO, na KAPATAWARAN NG ATING MGA KASALANAN, ayon sa mga kayamanan ng kaniyang biyaya,”
Kapag tayo ay natubos ng dugo ni Jesus, maliwanag na tayo ay mapapatawad na sa ating mga kasalanan, dahil kung hindi tayo mapapatawad sa ating mga pagkakasala, maliwanag ang pahayag ng Biblia na tayo ay mamamatay o mapaparusahan sa ikawalang kamatayan sa dagat-dagatang apoy.
Roma 6:23 “Sapagka't ANG KABAYARAN NG KASALANAN AY KAMatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin.”
Apoc 20:14 “At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. ITO ANG IKALAWANG KAMATAYAN, SA MAKATUWID AY ANG DAGATDAGATANG APOY.”
Kaya dito pa lamang ay atin nang natitiyak na hindi totoo ang paniniwala ng maraming tao sa daigdig na ang LAHAT NG TAO AY NATUBOS NG DUGO o NASASAKOP ng KAMATAYAN ni Cristo. Dahil sinasabi ng Biblia na napakaraming tao – sindami ng buhangin sa dagat ang mapaparusahan pagdating ng Araw ng Paghuhukom.
Eh bakit sabi doon sa talatang binasa natin kanina eh lahat ay natubos ng dugo ni Cristo, hindi ba lalabas niyan na sa Biblia ay may KONTRADIKSIYON?
Kaya balikan natin ang talata:
1 Timoteo 2:6 “NA IBINIGAY ANG KANIYANG SARILI NA PANGTUBOS SA LAHAT; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;”
Nais kong ipapansin sa inyo na ang mga gumagamit ng talatang ito ay mayroong iniiwasang basahin at partikular na binabasa lamang ang VERSE na ito. Kaya ating ipakita ang mga VERSE na hindi nila binabasa na sinusundan ng talatang iyan, upang ating mapatunayan na nagkakamali lamang sila ng pagkaunawa na ang tinutukoy diyan na natubos ay ang lahat ng tao sa mundo:
1 Timoteo 2:3 “Ito'y mabuti at nakalulugod sa paningin ng Dios na ating Tagapagligtas;”
1 Timoteo 2:4 “NA SIYANG MAY IBIG NA ANG LAHAT NG MGA TAO'Y MANGALIGTAS, AT MANGAKAALAM NG KATOTOHANAN.”
1 Timoteo 2:5 “Sapagka't may isang Dios at may isang Tagapamagitan sa Dios at sa mga tao, ang taong si Cristo Jesus,”
1 Timoteo 2:6 “NA IBINIGAY ANG KANIYANG SARILI NA PANGTUBOS SA LAHAT; na pagpapatotoong mahahayag sa sariling kapanahunan;”
Kapag binasa ng kumpleto ang nasabing talata mula versikulo 3 hanggang 6, ay mayroon kang mapapansin. Maliwanag na pinatutunayan ng Biblia na ang salitang LAHAT ay hindi tumutukoy sa LAHAT NG TAO SA MUNDO, kundo doon lamang sa MGA TAO NA MAKAKAALAM NG KATOTOHANAN.
Samakatuwid may REQUIREMENT para ang tao ay MALIGTAS, kailangang malaman niya ang KATOTOHANAN, dahil kung nasa KASINUNGALINGAN siya , eh papaano siya maliligtas.
Kasi nga kung hindi tatanggapin ng tao KATOTOHANAN ay hindi siya maliligtas, ganito sinasabi pa ng Biblia:
2 Tesalonica 2:9-12 “Lilitaw ang Suwail na taglay ang kapangyarihan ni Satanas. Gagawa siya ng lahat ng uri ng himala at nakalilinlang na tanda at kababalaghan. At gagamit siya ng lahat ng uri ng pandaraya sa mga mapapahamak – MGA TAONG MALILIGTAS SANA KUNG KANILANG TINANGGAP AT INIBIG ANG KATOTOHANAN, SAPAGKAT HINDI NILA TINANGGAP ANG KATOTOHANAN, IPINAUBAYA NG DIYOS NA SILA’Y MALINLANG NG ESPIRITU NG KAMALIAN AT PAPANIWALAIN SA KASINUNGALINGAN, UPANG MAPARUSAHAN ANG LAHAT NG PIMILI SA KASAMAAN SA HALIP NA TUMANGGAP SA KATOTOHANAN.” [Magandang Balita, Biblia]
Maliwanag na ang mga hindi umibig sa katotohanan ay parurusahan sa dagat-dagatang apoy, samakatuwid ay hindi sila maliligtas sa Araw ng Paghuhukom.
Kaya isa sa napakahalagang gampanin ng sinoman na nais maligtas ang pagtiyak kung talaga bang nalalaman niya ang KATOTOHANAN? Dahil kung hindi natin malalaman ang KATOTOHANAN ay mawawalan tayo ng napakahalagang pagkakataon sa kaligtasan.
Ano ba ang isa sa KATOTOHANANG dapat tanggapin ng tao?
Juan 10:7 “Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, KATOTOHANAN, KATOTOHANANG SINASABI KO SA INYO, AKO ANG PINTUAN NG MGA TUPA.”
Dapat tanggapin ng tao ang KATOTOHANANG ITO, na si Cristo ay PINTUAN NG MGA TUPA. Ang tinutukoy bang TUPA rito ay literal na hayop? Lilinawagin sa atin iyang muli ng Biblia:
Ezekiel 34:31 “At KAYONG MGA TUPA KO, NA MGA TUPA SA AKING PASTULAN AY MGA TAO, at ako'y inyong Dios, sabi ng Panginoong Dios.”
Samakatuwid ang TUPA na tinutukoy ay MGA TAO, samakatuwid si Cristo ay PINTUAN NG MGA TAO. Ano gagawin nung mga TUPA o mga TAO sa PINTUANG si Cristo?
Juan 10:7,9 “Kaya’t muling sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: AKO ANG PINTUANG DINARAANAN NG MGA TUPA. … Ako ang pintuan. ANG SINUMANG PUMAPASOK SA PAMAMAGITAN KO’Y MALILIGTAS’.” [MB]
Maliwanag ang sagot ng Biblia, kinakailangan na ang mga TUPA o mga TAO ay DUMAAN at PUMASOK sa PINTUANG si Cristo, at hindi sasampalataya lang, kundi kailangan siyang may gawin. At ito ay ang GAWANG PAGDAAN at PAGPASOK kay Cristo.
Ano ba katumbas nung pagpasok kay Cristo? Paano ba natin magagawa ito sa kabila ng katotohanana na si Cristo ay nasa langit na?
John 10:9 “I am the door; ANYONE WHO COMES INTO THE ‘FOLD’ THROUGH ME SHALL BE SAFE.” [ New English Bible]
Sa Filipino:
Juan 10:9 “Ako ang pintuan; ang SINUMANG PUMASOK SA KAWAN SA PAMAMAGITAN KO AY MAGIGING LIGTAS.”
Ang dadaan at papasok kay Cristong pintuan ay mapapaloob sa KAWAN, samakatuwid ang papasukan ng tao ay ang KAWAN NI CRISTO, at kapag nakapasok na tayo sa KAWANG ito, katumbas noon nakapasok na tayo kay Criston bilang PINTUAN.
Alin iyong KAWAN na tinutukoy na kailangan nating PASUKAN?
Acts 20:28 “Take heed therefore to yourselves and to ALL THE FLOCK over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed THE CHURCH OF CHRIST WHICH HE HAS PURCHASED WITH HIS BLOOD.” [Lamsa Translation]
Sa Filipino:
Gawa 20:28 “Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang BUONG KAWAN na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ANG IGLESIA NI CRISTO NA BINILI NIYA NG KANIYANG DUGO.”
Ang KAWAN ay ang IGLESIA NI CRISTO na BINILI o TINUBOS niya ng kaniyang dugo, HINDI LAHAT NG TAO SA MUNDO…kaya nga ang banggit sa 1 Timoteo 3:6 na: “NA IBINIGAY ANG KANIYANG SARILI NA PANGTUBOS SA LAHAT”…ang LAHAT na tinutukoy ay ang LAHAT NG MGA KAANIB NG KANIYANG IGLESIA.
1 Corinto 12:13 “Sapagka't sa isang Espiritu ay binabautismuhan TAYONG LAHAT sa isang KATAWAN, maging tayo'y Judio o Griego, maging mga alipin o mga laya; at TAYONG LAHAT ay pinainom sa isang Espiritu.”
LAHAT ng BINAUTISMUHAN sa ISANG KATAWAN, na ang KATAWAN ay ang IGLESIA:
Colosas 1:18 “AT SIYA ANG ULO NG KATAWAN, SA MAKATUWID BAGA'Y NG IGLESIA; na siya ang pasimula, ang panganay sa mga patay; upang sa lahat ng mga bagay, ay magkaroon siya ng kadakilaan.”
Kaya nga para ang tao ay mapabilang sa mga natubos ng dugo ni Cristo para siya ay maligtas hindi niya maiiwasan na dumaan at pumasok kay Cristo, na ito nga ay ang pagpasok sa kaniyang IGLESIA – ANG IGLESIA NI CRISTO.
Sabi nga ng PASYION ng mga KATOLIKO:
“Sapagkat Pastor kang tunay nitong mundong kabilugan, ANG OBEHANG SINO PA MAN, KUNDI MASOK SA BAKURAN HINDI NGA MASASAKUPAN.” [Kasaysayan ng Pasyong Mahal ni Hesukristong Panginoon Natin, Copyright 1949 by Ignacio Luna & Sons, page 69]
Maliwanag na maging ang Iglesia Katolika ay may paniniwala din na ang sinomang tao na hindi PAPASOK sa BAKURAN ni CRISTO ay hindi MASASAKUPAN ng KANIYANG PAGTUBOS at PAGLILIGTAS.
Ang BAKURAN ni Cristo ay walang iba kundi ang kaniyang IGLESIA kung saan dapat tayo pumasok, gaya nga ng napatunayan na sa atin ng Biblia.
Nawa'y maliwanagan ang lahat sa pamamagitan nito.
No comments:
Post a Comment
Note: only a member of this blog may post a comment.