Thursday, 4 October 2012

Ang Mga Pamahalaan sa Lupa Ayon Sa Mga Saksi Ni Jehova




Si Pablo na Apostol ni Cristo ay nagsabi sa mga Cristiano, “Ang bawat kaluluwa ay pasakop sa matataas na kapangyarihan: sapagkat walang kapangyarihan na hindi mula sa Dios; at ang kapangyarihang yao’y hinirang ng Dios”(Roma 13:1)
Ang “mataas na kapangyarihan” na binabanggit ni Apostol Pablo ay ang mga pinuno ng mga pamahalaan dito sa lupa at ito ay pinatunayan ng kaniyang kapuwa Apostol na si Pedro.
Dito:


“ Kayo'y pasakop sa bawa't palatuntunan ng tao alangalang sa Panginoon: maging sa hari, na kataastaasan;  O sa mga gobernador, na sinugo niya sa panghihiganti sa nagsisigawa ng masama at sa kapurihan ng nagsisigawa ng mabuti.”(1Pedro 2:13-14)


Ang mga unang lingkod ng Dios gaya ni Jose na asawa ni Maria na ina ng  ating Panginoong Jesus ay nagpasakop s autos ni Augusto Cesar na ang mga mamamayan ay dapat na magpatala.
Ganito ang patotoo ng biblia:


“ Nangyari nga nang mga araw na yaon na lumabas ang isang utos mula kay Augusto Cesar, na magpatala ang buong sanglibutan.   Ito ang unang talaang-mamamayan na ginawa nang si Quirinio ay gobernador sa Siria.  At nagsisiparoon ang lahat upang sila'y mangatala, bawa't isa sa kaniyang sariling bayan.  At si Jose naman ay umahon mula sa Galilea, mula sa bayan ng Nazaret, hanggang sa Judea, sa bayan ni David, na kung tawagi'y Bet-lehem, sapagka't siya'y sa angkan at sa lahi ni David;   Upang patala siya pati ni Maria, na magaasawa sa kaniya, na kasalukuyang kagampan.” (Lucas 2:1-5)


Nang si Jesus ay tanungin ng mga alagad ng mga Fariseo na kasama ang mga
Herodiano kung matuwid na bumuwis kay Cesar,ang Kaniyang isinagot ay:


“……. Ibigay ninyo kay Cesar ang kay Cesar at sa Dios ang sa Dios” (Mateo 22:21)

Hindi tinutulan ng  ating Panginoong Jesus na ang mga tao ay dapat bumuwis kay Cesar bilang agpapasakop sa tinatawag na “mataas na kapangyarihan”

Maliwanag, kung gayon sa mga nabanggit na mga talata ng biblia na ang mga lingkod ng Dios, ang mga Apostol at maging an gating Panginoong Jesus ay sumasang-ayon na ang mga tao ay dapat na pasakop sa mga pinuno ng bayan at sa kanilang mga batas kailanma’t ang mga batas na kanilang ipinatutupad ay hindi labag sa kalooban ng Dios.
Hindi sinasang-ayonan ng biblia ang paguturo na ang mga pamahalan ditto sa lupa ay sa Dyablo.
Sino ang nagtataguyod ng aral na ang lahat ng mga pamahalaan ditto sa lupa ay sa Dyablo?
Ang mga “saksi ni Jehova” ganito ang sinasabi ng kanilang mga aklat, basahin po natin….



“ The people of Israel ceased to be God’s people and were cast away from Him. From that time Satan was the god or invisible ruler of the entire world and all the peoples and nations thereof. Every nation and government on earth since then has been dominated by the subtle and wicked influence of Satan.
Sa wikang Pilipino:  Ang baying Israel ay tumigil sa pagiging bayan ng Dios at sila’y itinakwil. Mula noon si satanas ang naging dios o di nakikitang pinuno ng buong sanlibutan at ng lahat ng mga tao at lahat ng mga bansa roon.”[Government (Brooklyn, N.Y.,U.S.A.,; Watch Tower Tract and Bible Society,1928,p.44]


“What was true in the of Jesus and Paul is true of and concerning all government of this world. Satan has been the invisible overlord or ruler of all such governments.” (Sa Pilipino: Kung ano ang katotohanan sa mga kaarawan ni Jesus at ni Pablo ay katotohanan tungkol sa sanlibutang ito. Si Satanas ay naging siyang di nakikitang tagapamahala o pinuno ng kayong pamahalaan)[Ibid.,p.41]


“ Dahil dito’y makatuwirang isipin na ang lahat ng pamahalaan sa sanlibutan ay sa Dyablo. Papaano niya maiaalok kay Cristo kung yaon ay di sa kaniya? Siya ang di nakikitang tagapamahala ng mga pamahalaang yaon.[Hayaang Maging Tapat Ang Dios (Brooklyn, N.Y., U.S.A.: Watch Tower Bible and Tract Society, Inc., 1950) p.46]



Tunay na itinuturo ng mga “saksi ni Jehova” na ang lahat ng mga pamahalaan dito sa lupa ay sa Dyablo. Mabuting suriin din natin ang saligan ng pagtuturo nilang ito. Sinasabi ng mga “saksi ni Jehova” na ang lahat ng pamahalaan ditto sa lupa ay sa diablo sa dahilang ito ay inialok ng diablo kay Cristo. Ayon sa kanila, “ Papaano niya maiaalok kay Cristo kung yaon ay di sa kaniya?”
Lumilitaw na pinaniniwalaan ng mga “saksi ni Jehova” ang mga salita ng diablo. Nalimutan nila ang salita ni Cristo tungkol sa diablo. Sinabi ni Cristo na ang diablo ay hindi mananatili sa katotohanan sapagkat walang katotohanan  sa kaniya,kaya siya ay tinawag ni Cristo na isang sinungaling(Juan 8:44). Bakit natin natitiyak na ang dyablo ay hindi nagsasabi ng totoo nang ialok kay Cristo ang lahat ng pamahalaan at kaluwalhati-an ditto sa sanlibutan?
Si David na lingkod ng Dios ay nagsasabi:


“ Iyo, Oh Panginoon ang kadakilaan, at ang kapangyarihan, at ang kaluwalhatian, at ang pagtatagumpay, at ang karangalan: sapagka't lahat na nangasa langit at nangasa lupa ay iyo: iyo ang kaharian, Oh Panginoon, at ikaw ay nataas na pangulo sa lahat.  Ang mga kayamanan at gayon din ang karangalan ay nangagmumula sa iyo, at ikaw ang nagpupuno sa lahat; at nasa iyong kamay ang kapangyarihan at kalakasan; at nasa iyong kamay ang pagpapadakila, at pagpapalakas sa lahat.   Kaya't ngayon, aming Dios, kami ay nagpasasalamat sa iyo, at aming pinupuri ang iyong maluwalhating pangalan.” (1Cron.29:11-13)


Si David ay nagpahayag na ang lahat ng bagay sa langit at sa lupa ay sa Panginoong Dios. Ngunit ang mga ito ay inaangkin ng dyablo,nan gang mga ito ay iniaaalok niya kay Cristo. Kanino pumapanig ang mga nagsasabing sila ay mga “saksi ni Jehova”? Malinaw na sumasaksi sa panig ng dyablo na umaangkin sa lahat ng kaluwalahatian at karangalan ng sanlibutang ito. Hindi nakapagtataka na sila’y magpakilala na mga “saksi ni Jehova” sapagkat gaya ng dyablo hindi sila nagsasabi ng katotohanan.

Kaugnay ng kanilang pagtuturo na ang lahat ng pamahalaan ditto sa lupa ay sa dyablo, ang mga “saksi ni Jehova” ay tumatangging bumoto sa alinmang halalan,maging halalang pampurok, o halalang pambansa. Ganito ang isinasaad sa kanilang aklat:


“ Sila ay hindi sumasangkot sa alinmang pampurok,pambansa o pandaigdig na halalan sa politika.[ Hayaang Maging Tapat Ang Dios (Brooklyn, N.Y., U.S.A.: Watch Tower Bible and Tract Society,1950), p.244]

Ang pagtanggi ng mga “saksi ni Jehova” na bumoto ay labag sa ating saligang batas. Ang ating saligang batas ay nagsasabi:

“Ang karapatan sa halal ay maaring gampanan ng lahat ng mga mamamayan ng Pilipinas na hindi inalisan ng karapatan ng batas, na labingwalong taong gulang man lamang, at nakapanirahan sa Pilipinas sa loob ng isang taon mang lamang, at anim na buwan man lamang sa lugar na kanilang bobotohan kagyat bago maghalalan.  Walang dapat ipataw na literasi, ariarian o iba pang substantibong kinakailangan sa pagganap ng karapatan sa halal.
(Ang 1987 Konstitusyon ng Republika ng Pilipinas,  Artikulo V:Karapatan sa Halal,seksyon 1)

Ang hindi pagboto ay hindi pagpapasakop sa saligang batas ng pamahalaan. Ang hindi pagpapasakop sa batas ay katumbas din ng pagsalangsang sa “mataas na kapangyarihan”. Ang pagsalangsang sa kapangyarihan ay pagsalangsang sa Dios. Basahin po natin:


“ Kaya nga't ang sumasalangsang sa kapangyarihan, ay sa utos ng Dios sumasalangsang: at ang mga nagsisalangsang ay magsisitanggap ng kahatulan sa kanilang sarili.”(Roma 13:2)


Ang pagtanggi ng mga “saksi ni Jehova” ba bumoto sa mga halalang pampurok o maging halalang pambansa ay salungat sa simulain ng mga unang Crisriano na dapat pasakop sa mga palatunatunan(mga batas) ng tao na inilagda ng “mataas na kapangyarihan”  Walang batas ng Dios na maaring malabag ng tao na sumusunod sa batas ng pamahalaan tungkol sa mga halalang pampurok o halalang pambansa.

Makabubuting suriin din po natin ang mga batayan ng mga “saksi ni Jehova” sa kanilang pagtangging bumoto. Ganito po ang kanilang paliwanag sa kanilang aklat tunghayan po natin:

.(“ ……sila ay hindi sumasangkot sa alinmang pampurok,pambansa, o pandaigdig na halalan o politika. Sila ay itinatangi sa mga yaon ng batas ng Dios na Makapangyarihan sa lahat, na nag-uutos sa kanila na manatiling walang dungis sa sanlibutan. (Santiago 1:27) Gaya ni Cristo Jesus at ng kaniyang mga apostol,na siyang nangagbigay halimbawang susundin, sila ay nasa sanlibutan ngunit di bahagi niyaon. (Juan17:16,17; 15:17-19) Ang isa pang dahilan ng di nila pakikisalamuha sa sanglibutan ay sapagkat ang Dyablo ang di nakikitang tagapamahala nito, at nalalaman nila na ang akikipagkaibigan sa sanlibutan ay nagdadala ng pakikipagaway sa Dios na makapangyarihan sa lahat.- 2Corinto 4:4; 1Juan 5:19; Santiago 4:4 (Hayaang Maging Tapat Ang Dios , p.225)


Kung hindi susuriin ang saligan ng mga “saksi ni Jehova” sa hindi nila pagboto ay wari bagang makatuwiran ang kanilang pagtangging bumoto. Papaano bang ang isang Cristiano ay mapananatiling walang dungis gaya ng sinasabi sa Santiago 1:22?  Para sa mga “saksi ni Jehova” ay huwag kang bumoto, gaya n gating natunghayan sa kanilang aklat na ating sinipi. Ang kanilang sinasabi ay sarili lang nilang interpretasyon sa nabanggit na talata. Si Apostol Pablo ay nagpaliwanag kung papaanong ang isang Cristiano ay mananatiling walang dungis.
Ganito ang kaniyang pahayag, basahin po natin:


“ Upang kayo'y maging walang sala at walang malay, mga anak ng Dios na walang dungis sa gitna ng isang lahing liko at masama, na sa gitna nila'y lumiliwanag kayong tulad sa mga ilaw sa sanglibutan,” (Filipos 2:15)


Tiyak at malinaw ang paliwanag ni Apostol Pablo. Ang Cristiano upang manatiling walang dungis ay dapat na lumiliwanag gaya ng ilaw sa sanlibutan. Ang Panginoong Jesus ay nagwika din naman ng ganito, tunghayan po natin:


“ Lumiwanag na gayon ang inyong ilaw sa harap ng mga tao; upang mangakita nila ang inyong mabubuting gawa, at kanilang luwalhatiin ang inyong Ama na nasa langit.” (Mateo 5:16)


Samakatuwid kung pinanatili ng isang Cristiano ang kanyang mabubuting gawa ay nananatili ri siyang walang dungis sa gitna ng sanlibutan. Ang pagiging masunurin sa batas ay tanda rin ng pagiging mabuting Cristiano. Si Cristo at kahit ang  Kaniyang mga alagad ay hindi nasumpungan na maging manlalabag sa batas. Maging si Pilato ay nagbigay ng patotoo tungkol kay Cristo sa harap ng mga pangulong saserdote at ng mga pinuno ng bayan. Ganito ang kaniyang pahayag, tunghyan po natin:


“ At sinabi sa kanila, Dinala ninyo sa akin ang taong ito na gaya ng isang nagpapasama sa bayan: at narito, nang aking siyasatin siya sa harapan ninyo, ay wala akong nasumpungang anomang sala sa taong ito, tungkol sa mga bagay na isinusumbong ninyo laban sa kaniya;  Wala, kahit si Herodes man; sapagka't siya'y ipinabalik niyang muli sa atin; at narito, walang anomang karapatdapat sa kamatayan na ginawa niya.” (Lucas 23:14-15)



Ang isa pang dahilan ng pagtanggi ng mga “saksi ni Jehova” na bumoto ay dahil sa ito raw ay pakikisalamuha at ang pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikpag-away sa Dios. Kung ang pagboto ay itinuturing ng mga “saksi ni Jehova” na pakikisalamuha sa sanlibutan, dapat din nilang tanggihan ang pagbabayad ng buwis, sapagkat ang pagbubuwis ay pagsuporta sa gobyerno. Dahil sa itinuturing nila na ang lahat ng pamahalaan(gobyerno) ay sa dyablo,sa kanilang pagbabayad ng buwis, ay lumilitaw na sinusuportahan nila ang dyablo sa pagtataguyod ng mga pamahalaan. Mali po ang pagkaunawa ng mga “saksi ni Jehova” sa salita ng apostol Santiago na ang “ pakikipagkaibigan sa sanlibutan ay pakikipag-away sa Dios” (San.4:4). Sa ikaliliwanag ng puntong ito, mabuting alamin natin kung aling sanlibutan ang tinutukoy ng biblia na masamang ibigin. Saklaw ba nito ang saligang batas na nagsasabing bumoto? Tunghayan po natin ang sagot ng biblia:



“ Huwag ninyong ibigin ang sanglibutan, ni ang mga bagay na nasa sanglibutan. Kung ang sinoman ay umiibig sa sanglibutan, ay wala sa kaniya ang pagibig ng Ama. Sapagka't ang lahat na nangasa sanglibutan, ang masamang pita ng laman at ang masamang pita ng mga mata at ang kapalaluan sa buhay, ay hindi mula sa Ama, kundi sa sanglibutan.”(1Juan 2:15-16)



Maliwanag sa talatang ito na ang kasamaan na nasa sanlibutan ang hindi natin dapat ibigin,sapagkat ang umiibig sa kasamaan ay siyang binabagsakan ng kagalitan ng Dios.
Tunghayan po natin ang pahayag ni aposto Pablo:


“ Patayin nga ninyo ang inyong mga sangkap ng katawang nangasa ibabaw ng lupa, pakikiapid, karumihan, masamang pita, masasamang nasa, at kasakiman, na iya'y pagsamba sa mga diosdiosan; Na dahil sa mga bagay na iyan ay dumarating ang kagalitan ng Dios sa mga anak ng pagsuway: Na inyo ring nilakaran nang una, nang kayo'y nangabubuhay pa sa mga bagay na ito; Datapuwa't ngayon ay inyo namang layuan ang lahat ng mga ito: galit, kapootan, paghihinala, panunungayaw, mga salitang kahalay-halay na mula sa inyong bibig: Huwag kayong mangagbubulaan sa isa't isa; yamang hinubad na ninyo ang datihang pagkatao pati ng kaniyang mga gawa,” (Colosas 3:5-9)


Ang mga kasamang nabanggit ang hindi dapat ibigin ng isang Cristiano upang mapanatili  niya ang kanyang sarili na walang dungis sa gitan ng sanlibutan. Walang talata sa biblia na nagpapatibay sa paniniwala ng mga “saksi ni Jehova” na ang pagboto ay nagdudulot ng dungis sa pagiging Cristiano,manapa’y dapat pasakop ang Cristiano sa “mataas na kapangyarihan”.

Ang Pamahalaan ay maraming mabuting panukala ukol sa kapayapaan at sa ikauunlad ng bayan; sang-ayon kaya ang mga “saksi ni Jehova” sa panukala ng pamahalaan sa agpapabuti ng sanlibutan? Tunghayan natin ang kanilang kasagutan:

“ TANONG: Ang isang Cristiano ba’y sang-ayon sa pagpapabuti ng sanlibutang ito samakatuwid ay sangayon sa nagkakaisang mga bansa?
SAGOT: Hindi. Ang tunay na Cristiano ay hindi sangayon sa pagpapabuti sa sanglibutang ito.(Sangkakristianuhan o Pagkacristiano, p. 27)


Maliwanag ang nakasulat sa aklat ng mga “saksi ni Jehova” : Sila ay hindi sangayon sa pagpapabuti ng sanlibutang ito. Hindi sila sangayon sa mabuting layunin ng pamahalaan na mapanatili ang kapayapaan at umunlad ang kabuhayan ng mga mamamayan. Ang kanilang pagtuturo na ang mga Cristiano ay hindi sangayon sa pagpapabuti ng sanlibutang ito ay hindi sinusuhayan ng biblia, kundi salungat sa simulain ng Cristianismo,salungat sa itinuro ni Apostol Pablo sa mga Cristiano, tunghayan po natin:

“ Una-una nga sa lahat ng mga bagay, ay iniaaral ko na manaing, manalangin, mamagitan, at magpasalamat na patungkol sa lahat ng mga tao; Ang mga hari at ang lahat ng nangasa mataas na kalagayan; upang tayo'y mangabuhay na tahimik at payapa sa buong kabanalan at kahusayan.” (1Timoteo 2:1-2)


Maliwanag ang nakasulat sa talata ng biblia na upang tayo ay mangabuhay nang tahimik at payapa, iniaaral ni Apostol Pablo na tayo ay dapat manalangin patungkol sa mga hari at sa nasa mataas na kalagayan. Hindi ba’t ang iniaaral na ito ni Apostol Pablo ay salungat sa sinasabi ng mga “saksi si Jehova” na ang mga Cristiano raw ay hindi sangayon sa pagpapabuti ng sanlibutang ito. Salungat sila sa gobyerno, salungat parin sila sa aral ng biblia. Ang salungat kaya sa aral ng biblia ay kasangayon ng Dios?
Kayo po ang humatol.

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.