This is an unofficial, unauthorized site of the Iglesia ni Cristo. The owner of this site is an ordinary member of Iglesia ni Cristo The purpose of the owner in creating this blog is to inform the people about Iglesia ni Cristo,especially to those who are mislead by some anti-INC blogs and websites.
Wednesday, 3 October 2012
Bakit hindi nagseselebra ng pasko ang mga tunay na Iglesia ni Cristo
Alamin po natin kung bakit sa kabila ng halos lahat ng nagpapakilalang kristyano ay nagseselebra ng pasko, ang Iglesia ni Cristo ay hindi nakikigaya sa kanila,alamin po natin ang kasaysayan ng pagkakaroon ng pasko.
Ang Iglesia Katolika at mga protestante ay may ipinagdiriwang na Pasko tuwing Disyembre 25 ng bawat taon, na ipinalalagay nila na ito ay ang kapanganakan ng Panginoong Jesucristo. Kaugnay nito, marami silang isinasagawang mga aktibidad at marami rin ang nakikibahagi sa mga iyon. Kaya may mga pumupuna sa hindi pakikipagkaisa ng Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang nila. Sinasabi ng iba na mabuti pa raw ang kaarawan ng kapanganakan ng mga kaanib sa Iglesia ay aming ipinagdiriwang. Inaakala tuloy ng ilan na napakaliit ng pagtingin ng Iglesia ni Cristo sa Panginoong Jesucristo. Kung alam lamang nila na hindi tunay na kaarawan ni Cristo ang ipinagdiriwang nila tuwing Disyembre 25, kundi iyon ay isang pistang pagano na “isina Cristiano,” marahil ay hindi sila papayag na magkaroon sila ng bahagi sa pagdiriwang na iyon.
Ganito ang mababasa sa isang aklat Katoliko tungkol sa Pasko na ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante:
“It has sometimes been said that the Nativity [Christmas] is only a Christianized pagan festival.” [Handbook of Christian Feasts and Customs, page 61]
Sa Filipino:
“Nasabi na sa ilang pagkakataon na ang Natividad [Pasko] ay isa lamang isina-Cristianong kapistahang pagano.”
Pinatutunayan ng aklat na ito na ang Natividad o Pasko na ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante ay isa lamang “isina-Cristianong” kapistahang pagano.
Ano ba ang ibig sabihin ng salitang PAGAN o “pagano”?
“PA'GAN, n. a Gentile; an idolater; one who worships false gods. This word was originally applied to the inhabitants of the country, who on the first propagation of the Christian religion adhered to the worship of false gods, or refused to receive Christianity, after it had been received by the inhabitants of the cities.” [Webster’s 1828 Dictionary]
Sa Filipino:
“PAGANO, n. isang Gentil; isang mapagsamba sa diosdiosan; sumasamba sa mga hindi tunay na diyos. Ang salitang ito ay unang ginamit sa mga unang mamayan ng isang nayon, na sa pasimula ng pagpapalaganap ng relihiyong Cristiano ay mga nahirati sa pagsamba sa mga hindi tunay na diyos, o yaong tumatanggi na tanggapin ang Cristianismo, pagkaraan na ito ay tinanggap na ng mga naninirahan sa mga lungsod.”
Maliwanag na sinasabi ng Dictionary na ang isang Pagano ay isang tao na hindi sumasamba sa tunay na Diyos dahil sa ang mga ito ay ang mga nahirati sa pagsamba sa mga diosdiosan, sa panahon natin sila iyong mga Hindu, Budhist, o alin mang relihiyon na lumuluhod at naglilingkod sa mga rebulto o larawan, na tumatanggi sa aral ng Cristianismo. Sa pagsasabi na ang Pasko ay isina-Cristiano lamang na Pistang Pagano, ibig sabihin noon ay kinopya lamang ito sa pagdiriwang ng mga taong hindi Cristiano na sumasamba sa mga diosdiosan.
Ang Pagkapili ng Disyembre 25
Ang pagkapili ng Disyembre 25, na diumano’y petsa ng kapanganakan ni Cristo, ay buhat lamang sa impluwensiya ng mga Romanong Pagano:
“…The choice of December 25 was influenced by the fact that the Romans, from the time of Emperor Aurelian (275), had celebrated the feat of the sun god (Sol Invictus: The Unconquered Sun) on that day. December 25 was called the ‘Birthday of the Sun.’ and great pagan religious celebrations of the Mithras cult were held all through the empire.” [Handbook of Christian Feasts and Customs, page 61]
Sa Filipino:
“…Ang pagkakapili sa ika-25 ng Disyembre ay naimpluwensiyahan ng pangyayaring ang mga Romano, mula sa panahon ni Emperador Aureliano (275), ay ipinagdiwang ang kapistahan ng diyos na araw (Sol Invictus: ang Hindi Mapananaigang Araw) sa araw na iyon. Ang ika-25 ng Disyembre ay tinatawag na ‘Araw ng Kapanganakan ng Araw’, at idinaos sa buong imperyo ang mga dakilang paganong pagdiriwang na panrelihiyon ng kultong Metraiko.”
Maliwanag na ang Disyembre 25 ay hindi siyang tiyak na petsa ng kapanganakan ni Cristo [Wala naman talaga tayong mababasa sa Biblia kung kailan siya ipinanganak]. Ito ay ang Petsa ng isang kapistahan ng mga pagano, na ang ipinagdiriwang ay ang kanilangDiyos na Araw na si Sol Invictus o ang Hindi Mapananaigang Araw.” Sa petsang ito ay idinaraos ang malaking panrelihiyong pagdiriwang na pagano. At maliwanag nilang inamin na ito ang kanilang pinagbatayan ng pagkapili nila ng Disyembre 25, na siyang kapanganakan daw ni Jesucristo.
Galing din sa Pagano
Hindi lamang ang petsa ang kinuha o kinopya sa mga pagano kundi pati ang mga gawain kung araw ng Pasko gaya ng mga pagsisindi ng mga kandila at paglalagay ng mga Christmas Tree.
“The candles, in some parts of England, lighted on Christmas eve, and used so long as the festive season lasts, were equally lighted by the pagans on the eve of the festival of the Babylonian god, to do honour to him; for it was one of the distinguishing peculiarities of his worship to have lighted wax candles on his altars. The Christmas Tree, now so common among us, was equally common in Pagan rome and Pagan Egypt.” [The Two Babylons Or the Papal Worship, p. 97]
Sa Filipino:
“Ang mga kandila, sa ilang bahagi ng Inglatera, na sinisindihan tuwing bisperas ng Pasko, at ginagamit sa buong panahon ng pagdiriwang, ay kaparehong sinisindihan ng mga pagano sa bisperas ng kapistahan ng diyos ng Babilonia, upang parangalan siya: sapagkat ang isa sa mga mapagkakakilanlang kaibahan ng pagsamba sa kaniya ay ang magkaroon ng mga sinindihang kandila sa kaniyang mga dambana. Ang Christmas Tree, na ngayon ay lubhang pangkaraniwan na sa atin, ay kaparehong pangkaraniwan din sa Paganong Romano at Paganong Ehipto.”
Nagsisindi ng kandila ang mga pagano sa bisperas ng kapistahan ng diyos ng Babilonia upang parangalan siya. Ang Cristmas Tree naman ay pangkaraniwan sa paganong Roma at paganong Ehipto.
Maging ang mga nagsipagsuri tungkol sa Christmas Tree ay nagsasabi na ito’y isang labi ng pagsamba ng mga pagano sa punong-kahoy:
“Some authorities consider the Christmas tree a survival of pagan tree worship and trace it to ancient Rome and Egypt…”[Collier’s Encyclopedia, vol 6, p.404]
Sa Filipino:
“Ang ilan sa mga awtoridad ay itinuturing ang Christmas tree na isang namamalaging umiiral na labi ng pagsamba sa puno ng mga pagano at matatalunton ito sa matandang Roma at Ehipto.”
Kaya hindi nakikiisa ang mga Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng Pasko dahil ito ay nagmula lamang sa mga pagano, hindi lamang ang petsa, kundi maging ang iba’t-ibang gawain na isinasagawa ng mga Katoliko at Protestante sa nasabing okasyon.
Magliligaw sa Katotohanan
Isang katotohanan na ang Paskong ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante ay inimbento o katha lamang. Hindi ito utos ng Diyos kundi utos lang ng tao. Ang kautusan ng tao, kapag pinagsaligan sa paglilingkod sa Diyos, ay nagliligaw sa katotohanan:
Tito 1:14 “At upang maalis ang hilig nila sa mga alamat ng mga Judio atmga kautusan ng mga tao, na nagliligaw lamang sa kanila sa katotohanan.” (Salita ng Buhay)
Hindi namamalayan ng mga nakikiisa sa pagdiriwang ng Pasko na sila ay naililigaw na sa katotohanang ikaliligtas, sapagkat sa kanilang ginagawa ay sumusunod sila sa mga kautusan ng tao at mga gawaing pagano. Ang dapat maging saligan sa paglilingkod ng tao sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo ay hindi ang mga utos ng tao kundi ang mga kalooban ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan.
2 Timoteo 3:15-17 “Mula pa sa pagkabata ay alam mong ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus. Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay, upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.” [Ang Bagong Magandang Balita, Biblia]
Anumang aral na hindi ayon sa Biblia at labag pa sa itinuturo ng Biblia ay hindi ikaliligtas kundi tiyak na ikapapahamak sa Araw ng Paghuhukom:
2 Tesalonica 2:11-12 “Sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan, ipinaubaya sila ng Diyos na sila’y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa kasinungalingan upang maparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na tumanggap sa katotohanan” (Magandang Balita, Biblia)
Ito ang isa sa dahilan kaya hindi ipinagdiriwang ng Iglesia ni Cristo ang “Pasko” ng mga Katoliko at mga Protestante. Ano ang mapapala sa isang araw ng masayang pagdiriwang, kung ito naman ay patungo sa pagkahamak ng ating mga kaluluwa magpakailan man?
Sanggunian:
Collier’s Encyclopedia. New York: Macmillan Educational Company. 1964.
Handbook of Christian Feasts and Customs. Francis X. Weiser. New York: Hartcourt, Brace & World, Inc., n. d.
The Two Babylons Or the Papal Worship. Rev. Alexander Hislop. Neptune, New Jersey: Loizcaux Brothers, Inc., 1943.
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment
Note: only a member of this blog may post a comment.