Wednesday, 3 October 2012

ANG MALAKING KINALAMAN NG KAHALALAN SA KALIGTASAN



KAHALALAN O KARAPATAN sa pagsasagawa ng tunay na paglilingkod sa Diyos at sa pagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom. Sa ganang mga nagtamo nito,  ito ay totoong napakahalaga kung kaya hindi sila papayag na ito ay mapinsala at mawala pa sa kanila. Lubos nilang sinasampalatayanan ang ipinahayag ng Panginoong Jesucristo na:
"... ang manatiling tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas" (Mat. 24:13, Magandang Balita Biblia).
Maaaring sabihin ng iba na sila man ay naglilingkod din sa Panginoon, kaya kinikilala Niya sila, at may karapatan din sa pagtatamo ng kaligtasan. Subalit, ano ba ang pagtuturo ng Biblia kapag ang pinag-uusapan ay paglilingkod sa Diyos? Kahit sino na lamang bang nag-aangkin ng karapatan sa paglilingkod ay kinikilala ng Panginong Diyos na Kaniya at magtatamo ng kaligtasan? Ang sagot ng mga apostol:
"Datapwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo'y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y sumasainyo ang kanyang awa" (I Ped. 2:9-10, Ibid.).
Sana ay napansin ninyo ang sinabi ni Apostol Pedro na "kayo ay isang lahing hinirang." Samakatuwid, ang mga kausap niya rito ay mga taong may kahalalan o mga hinirang ng Diyos sapagkat sila ay tinawag at pinili Niya.

Ano ang kapalarang natamo ng mga binigyan ng kahalalan? Ayon sa Biblia, sila ay nasa kaliwanagan na, kinikilala na silang bayang hinirang ng Diyos na nagtamo ng Kaniyang habag. Dati ay wala sa kanila ang mga biyayang ito dahil wala pa silang kahalalan. At ang lalong malaking kapalaran na tatamuhin ng mga taong may kahalalan ay maluwag silang papapasukin sa kaharian ng Panginoong Jesus (II Ped. 1:10-11, Ibid.). Ang katumbas nito ay nakatitiyak sila sa pagtatamo ng kaligtasan.

Kung gayon, hindi totoo na basta ang tao ay maniwala, sumampalataya, at kumilala lamang sa Panginoong Diyos at sa Panginoong Jesus ay sapat na upang siya ay maging tunay na sa Kanila. Kailangan muna siyang hirangin, tawagin, at bigyan ng kahalalan para siya ay makapaglingkod sa Diyos. Paano ba pinatunayan ng mga apostol ang kanilang kahalalan? Ang sabi ni Apostol Pedro sa kanyang sulat ay mayroon silang panatag na salita ng hula (II Ped. 1:19). Ang hula ay paunang pahayag ng Diyos sa Kaniyang magiging gawain. Kaya ang mga apostol at ang mga unang Cristiano ay di basta nag-angkin lamang na sila ay sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo kundi ang Diyos mismo ang nagbigay ng patotoo na sila ay Kaniyang pinili, tinawag, at hinirang.

Hindi kaya sa panahong ito ay binago na ng Diyos ang paraang ito ng pagbibigay sa tao ng karapatan sa paglilingkod? Hindi. Namamalagi ang pinagsasaligan ng Diyos sa pagkilala Niya ng mga Kaniya (II Tim. 2:19). Ang layunin, proseso, at kalooban ng Diyos ang dapat na sundin ng tao upang sila ay maligtas at hindi ang sariling gawa o paraan ng tao (Roma 9:11, MB). Ang katunayan pa na kapag hindi kalooban o pamamaraan ng Diyos ang sinunod ng tao sa kaniyang paglilingkod na isinasagawa, kahit pa siya ay tumatawag sa pangalan ng Panginoong Jesus, kahit pa nagpapalayas ng demonyo at gumagawa ng himala gamit ang pangalan Niya ay hindi siya kikilalanin bagkus ay ituturing pang masama at hindi Niya ituturing na kabutihan ang kaniyang ginagawa (Mat. 7:21-23, Bagong Magandang Balita Biblia).

Sa panahong ito na kung tawag ay "mga wakas ng lupa," mayroon bang ipinakikilala ang Panginoong Diyos na mga tinawag Niya at binigyan ng kahalalan bilang bayan Niya? Mayroon. Gaya ng pinatutunayan sa Isaias 62:11-12 (Lamsa Translation) na mga tinawag ng Diyos sa "mga wakas ng lupa" o "ends of the earth" at kinikilala Niyang bayan Niya, anak na babae ng Sion na tinubos ng Panginoon at may gantimpalang kaligtasan na tatamuhin. Ang "mga wakas ng lupa" gaya ng natalakay na sa mga nakaraan ay panahong malapit na ang wakas ng lupa. Ang wakas ng lupa ay ang Araw ng Paghuhukom. Kaya, kapag sinabing "mga wakas ng lupa," ito ay tumutukoy sa panahong malapit na ang Araw ng Paghuhukom.

Nagbigay ang Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kaniyang hula ng ilang palatandaan na kapag nakita ay mauunawaan nating nagsimula na ang panahong tinatawag na "mga wakas ng lupa"—ito'y ang mga digmaan, paglindol, kagutom, at kahirapan (Mat. 24:6-8). Ang digmaang tinutukoy rito ay ang Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab kaalinsabay ng pagbangon ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.

May binanggit din sa hula na "anak na babae ng Sion." Ang Sion na tinutukoy na may anak na babae ay ang Iglesia (Heb. 12:22-24, Living Bible). Iglesia o Sion na tinubos ng Panginoon. Sa Gawa 20:28 (Lamsa Translation) ay Iglesia ni Cristo ang tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo. Tinawag na "anak na babae ng Sion" ang Iglesia ni Cristo sa "mga wakas ng lupa" sapagkat ito ang nalabing binhi (Apoc. 12:17). Kaya, hindi na ito ang unang Iglesia ni Cristo sa panahon ng mga apostol na natalikod sa tunay na pananampalataya kundi ang Iglesia ni Cristo sa ating panahon na lumitaw sa Pilipinas sa bisa ng mga hula na nakasulat sa Biblia.

At yayamang nalalapit na tayo sa Araw ng Paghuhukom, inaasahan ng Diyos sa mga binigyan Niya ng kahalalan at karapatan sa kaligtasan na tayo manatiling tapat sa pananampalataya dahil pinatutunayan din ng Biblia na sandaling panahon na lamang at ang Panginoong Jesucristo ay darating na at hindi maaantala (Heb. 10:32, 35, 37, New Living Translation). Kahit na makasagupa ang mga hinirang ng Diyos ng iba't ibang pagtitiis sa buhay na ito ay patuloy tayong magtitiyaga, mananatiling matatag hanggang wakas na sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagtitiwala sa Kaniya (Apoc. 14:12, Ibid.).

May ganito pang sinasabi ang Banal na Kasulatan tungkol sa mga sumusunod at naglilingkod sa Panginoon:
"At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, Isulat mo, mula ngayon, mapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan! At sinabi ng Espiritu, 'Totoo nga! Matatapos na ang kanilang paghihirap sapagkat ang kanilang ginawa ang magpapatunay sa kanilang karapatan'" (Apoc. 14:13, BMB).
Ipinasulat upang mabasa sa ating panahon na mapalad ang namalaging tapat na naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan dahil matatapos na rin ang kanilang mga paghihirap pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Kaya laging nakahanda ang mga tunay na kaanib sa Iglesia ni Cristo sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo tulad ng pagdating ng magnanakaw (Lucas 12:39-40, 35-38, New Pilipino Version). Makakaya kaya ng mga hinirang ng Diyos na itaguyod ang kanilang mga paglilingkod sa Kaniya kahit na nga napakabigat, lalo na sa panahong ito, ng pagdadala ng buhay? May ganitong nakasulat na pahayag sa Isaias 43:2, na:
"Pag ikaw ay daraan, Sa karagatan, sasamahan kita; Hindi ka madadaig ng mga suliranin. Dumaan ka man sa apoy, Di ka maaano, Hindi ka maibubuwal Ng mabibigat na pagsubok" (MB).
Ganito ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos na may mabibigat na dalahin sa kanilang buhay, kapag Siya ang kanilang kasama ay makakaya nila ang lahat ng pagsubok at suliranin na dumarating sa buhay.




Author: Mathusalem V. Pareja
Source: God's Message Magazine:  September 2011/ Volume 63/ Number 9/ ISSN 0116-1636/ pp.33-35

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.