Wednesday, 3 October 2012

ANG TUNAY NA PARAAN NG PAGPAPAWALANG-SALA NG DIYOS



IBA'T-IBANG PAMAMARAAN ang ginagamit ng mga tao upang maalis ang galit ng Diyos sa kanila bunga ng mga kasalanang nagawa nila. May mga tao na nagpipinitensya, lumalakad nang paluhod patungo sa altar ng simbahan; pinahihirapan ang kanilang katawan; ang iba nama'y nagsasadya pa sa malalayong dako sa layuning magsakripisyo at magsasagawa ng mataimtim na pagninilay-nilay (retreat) para hingin ang awa at habag ng Diyos na sila ay mapatawad. Subalit ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa mga sakripisyo na ginagawa ng tao subalit ang batayan naman ay mga aral lamang ng tao? Sa Colosas 2:22-23 ay ganito ang nakasulat:
"Ang lahat ng alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng tao. Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman" (Ang Bagong Biblia).
Hindi masamang hangarin ng tao ang kapatawaran ng kasalanan. Subalit, matatamo ba niya ito sa pamamagitan ng kaniyang sariling pamamaraan lamang, gaya ng pagsasagawa ng iba't-ibang uri ng paglilingkod sa Diyos? Ano ang ipinauunawa ng mga apostol sa mga taong iginigiit ang sarili nilang paraan upang mapatawad o mapawalang-sala sila ng Diyos? Ayon sa mga apostol, dapat munang makilala o malaman ng mga tao ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos:
"Mapatutunayan kong sila'y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan. Sapagkat hindi nila nakilala ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos" (Roma 10:2-3, Magandang Balita Biblia).
Kapansin-pansin ang binanggit ni Apostol Pablo na pinatutunayan niyang may mga taong talagang nagsisikap noon pa man na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang ginamit na batayan o pamamaraan sa halip na sundin ang sa Diyos. Ano ba ang paraang itinuro ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol upang ang mga taong nagkasala ay mapatawad sa kasalanan? Kailangang linisin ang tao ng dugo ni Cristo:
"Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang luminis sa ating puso't isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay" (Heb. 9:14, Ibid.).
Maliban sa pagkabuhos ng dugo ni Cristo ay wala nang iba pang paraan upang ang tao'y maging malinis sa lahat ng kaniyang karumihan o mapatawad sa kasalanan:
"At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran" (Heb. 9:22).
Ipinagdiinan ito ni Apostol Pablo sa kaniyang mga pagtuturo noon pa sapagkat may mga taong gustung-gustong maging karapat-dapat o kalugod-lugod sa Diyos subalit ayaw namang pasaklaw sa paraan Niya, bagkus ay ipinagpipilitan ang kanilang sariling paraan. Kaya nga ang sabi ni Apostol Pablo "sila'y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan."

KAILANGAN ANG KAPATAWARAN
Ano ba ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangang ang tao ay mapatawad sa kaniyang mga kasalanan? Ang taong nagkasala ay nahiwalay sa Diyos, ayon sa pagtuturo ng Biblia:
"Kundi pinaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig" (Isa. 59:2).
Bukod sa nahiwalay sa Diyos ang mga nagkasala ay itinuring pa Niya na kaaway ang mga ito:
"At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama" (Col. 1:21)
Higit sa lahat, tinakdaan ng Diyos na pagbayaran ng tao ang kamatayan ang mga kasalanang nagawa niya:
"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin" (Roma 6:23).
Ang kamatayang ito na itinakda ng Diyos na maging ganap na kabayaran ng kasalanan ng tao ay hindi lamang ang kamatayang pagkalagot ng hininga kundi ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy:
"At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy" (Apoc. 20:14).
Sa parusang ito kailangang-kailangan ng tao na maligtas. Tiniyak ng Banal na Kasulatan na ang lahat ng tao ay nagkasala:
"Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala" (Roma 5:12).
Tunay nga, kailangan ng tao ang katubusan o kapatawan ng kaniyang mga kasalanan. At ang kapatawaran ay matatamo lamang sa pamamagitan ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo upang ang tao ay mailapit na muli sa Diyos:
"Ngunit dahil sa pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo" (Efe 2:13, New Pilipino Version).
ANG NATAMO NG NATUBOS
Ang tanging kaparaanan lamang upang ang tao malinis o mapatawad sa kaniyang mga kasalanan ay ang siya'y matubos ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo. Ano ang kahalagahan kung ang tao ay matubos o mapatawad na sa kaniyang kasalanan? Makakapaglilingkod na siya sa Diyos na buhay (Heb. 9:14).

Hindi lamang ang karapatan sa tunay na paglilingkod sa Diyos ang matatamo ng taong malilinis o mapatatawad sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo kundi higit sa lahat ay iyon ang tiyak na ikaliligtas niya sa poot ng Diyos:
"Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya" (Roma 5:8-9, MB).
Itinuturo ng Biblia kung alin at kung sinu-sino lamang ang mga taong napatawad na sa kasalanan, nagtamo ng karapatang magsagawa ng tunay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos, at tiyak na maliligtas:
"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo" (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Samakatuwid, hindi ang kahit sino na lamang ay makatitiyak o makapag-aangking siya'y nalinis o natubos na ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo sapagkat ang pinatutunayan ng mga apostol na tinubos o binili ni Cristo ng Kaniyang dugo ay ang Iglesia Ni Cristo. Kaya ano ang ang ipinagagawa ng ating Panginoong Jesucristo sa sinumang tao na naghahangad na makinabang sa pagkakabuhos ng Kaniyang dugo? Sa Juan 10:9 ay ganito ang maliwanag na itinuro ni Cristo:
"Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas ..." (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
Ang kawan na tinutukoy ni Cristo ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation).

Samakatuwid, marapat lamang na hangarin ng tao na mapatawad siya sa kaniyang mga kasalanan subalit mangyayari lamang ito sa kaniya kung pasasaklaw siya sa patakaran o pamamaraan ng Diyos - kailangang ang siya'y umanib sa Iglesia Ni Cristo. Ang pag-anib sa tunay na Iglesia ang tanging paraan upang ang tao ay mapabilang sa mga tinubos ng dugo ni Cristo at nang sa gayon ay mapatawad siya sa kasalanan, magtamo ng karapatan sa tunay na paglilingkod sa Diyos, at higit sa lahat ay makatiyak ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.

Author: Ruben C. Santos
Source: God's Message Magazine:  August 2011/ Volume 63/ Number 8/ ISSN 0116-1636/pp. 24-26

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.