Wednesday, 3 October 2012

ANG IGLESIA NA IPINAKIKILALA NG BAGONG TIPAN



"Sa harap ng napakaraming iglesia sa kasalukuyan, dapat magpakatino at magpakaingat ang tao sa pagpili ng kaniyang aaniban."

SA KASALUKUYAN, NAPAKARAMING samahang panrelihiyon ang naglipana na nagpapakilalang sila'y tunay na sa Diyos at kay Cristo. Ang marami sa kanila ay may iba't ibang ipinang-aakit sa mga tao ─ may nangangako ng pagpapagaling, may nag-aalok ng pagyaman, may mga gumagawa ng himala, at iba pa. Sa kabila nito, hindi matututulan na ang tunay na Iglesia ay ang Iglesia na itinatag ng Panginoong Jesucristo na ipinakikilala sa Bagong Tipan ─ kung saan ay itinuturo kung ano ang tinatawag na "Iglesia" at kung ano ang kahalagahan nito.

Kaya, sa harap ng napakaraming iglesia sa kasalukuyan, dapat magpakatino at magpakaingat ang tao sa pagpili ng kaniyang aaniban upang hindi masayang ang kaniyang pinuhunan at sa halip ay pakinabangan ang kahalagahan ng tunay na Iglesia.

ANG MGA KAANIB SA IGLESIA AY TINAWAG
Papaano napapabilang o nagiging kaanib sa tunay na Iglesia ang tao? Upang ang tao ay maging bahagi o kaanib sa Iglesia ay kinakailangang tawagin siya ng Diyos:
"At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi." (Col. 3:15, Magandang Balita Biblia, amin ang pagdiriin)
Ang katawan na tinutukoy ay walang iba kundi ang Iglesia. Ang Iglesia ay katawan ni Cristo sapagkat Siya ang ulo nito (Col. 1:18). Ang tao ay nagiging bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa Iglesia kung siya ay tinawag ng Diyos.

Ano ang kahulugan ng "tinawag" kapag ipinatutungkol sa mga kaanib ng Iglesia? Papaano sila tinawag at ano ang dahilan ng pagtawag sa kanila? Ang pagtawag sa tao upang umanib sa Iglesia ay kasingkahulugan ng pagpili o paghirang ng Diyos sa kaniya:
"Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, at hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag: Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas." (I Cor. 1:26-27, amin ang pagdiriin).
Ang mga tinawag sa Iglesia ay "pinili o hinirang ng Diyos." Kung gayon, dapat tiyakin ng sinumang tao na siya pinili, hinirang, o tinawag ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo upang masiguro niya na siya ay bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib ng Iglesia na itinuturo ng Bagong Tipan.

ANG PAGTAWAG NG DIYOS
Paano malalaman ng tao kung siya ay hinirang o tinawag ng Diyos? Mahalagang suriin natin ang proseso o paraan ng Diyos sa pagtawag o paghirang sa tao upang maging bahagi o kaanib ng tunay na Iglesia. Ganito ang matutunghayan natin sa sulat ni Apostol Pablo:
"Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo." (II Tes. 2:14).
Ayon sa pagtuturo ni Apostol Pablo ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Sino naman ang nangaral sa kanila ng dalisay na ebanghelyo na kanilang sinampalatayanan at ginanap kaya sila ibinilang na kaanib sa tunay na Iglesia? Sa II Cor. 5:20 ay ganito ang ating mababasa:
"Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo na kayo'y makipagkasundo sa Dios."
Ang kinasangkapan ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo sa mga naging kaanib sa tunay na Iglesia ay ang mga sugo, tulad ng mga apostol. Kaya, sa pasimula ng ministeryo ni Jesus ay naghalala Siya ng mga apostol. Sila ay Kaniyang isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo (Mat. 10:2-5). Inutusan Niya sila na ang sumampalataya sa kanilang pangangaral ay kanilang bautismuhan (Mar. 16:15-16). Ang pinangaralan ng mga sugo na sumampalataya at nabautismuhan ang ibinibilang na bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia:
"Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu." (I Cor. 12:13, MB)
Sinumang tao na bagama't kaanib ng isang iglesia ngunit ang nangaral sa kaniya ay hindi sinugo ng Diyos ay nasa labas ng tunay na Iglesia na ipinakikilala ng Bagong Tipan na dapat aniban ng bawat tao. Hindi siya kasama sa mga tinawag, pinili, o hinirang ng Diyos.

ANG LAYUNIN KAYA TINAWAG SA KATAWAN O IGLESIA
Bakit ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay kailangang tawagin ng Diyos? Ganito ang isinasaad sa sulat ni Apostol Pablo:
"Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo'y makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristong ating Panginoon." (I Cor. 1:9, Ibid.)
Magkakaroon ng katuparan ang pakikipag-isa kay Cristo kapag ang tao ay tinawag ng Diyos na maging bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia. Ang pakikipag-isang ito kay Cristo ang kalooban at layunin ng Diyos upang makamtan ng tao ang mga pagpapalang espirituwal at mapabilang sa itinalaga na maging mga anak ng Diyos:
"Magpagsalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban." (Efe. 1:3-5, Ibid.)
Ang tumangging maging bahagi ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia ay sumasalungat sa layunin at kalooban ng Diyos.

Anu-ano ang mga pagpapalang espirituwal na matatamo ng tao na nakipag-isa kay Cristo sa paraang sila ay naging bahagi ng katawan ni Cristo o naging kaanib sa Iglesia? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Noong una'y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo'y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo'y binuhay niya kay Cristo kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang loob.) Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan." (Efe. 2:1-6, Ibid.)
Malinaw ang pahayag ni Apostol Pablo kung bakit nais ng Diyos na ang tao ay makipag-isa muna kay Cristo sa paraang maging bahagi ng Kaniyang katawan o kaanib sa Iglesia. Dati, ang kalagayan ng hindi tinawag ay mga patay na dahil sa kanilang pagsuway o mga kasalanan; dati, sila ay kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos; at dati, sila'y nasa ilalim ng prisipe ng kasamaan. Ngunit dahil sa napakasaganang habag at napakadakilang pag-ibig ng Diyos, tinawag Niya sila upang maging sangkap ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia upang sila ay makipag-isa kay Cristo. Dahil sa pakikipag-isang ito kay Cristo, sila ay binuhay ng Diyos at sila'y naligtas sa kaparusahan.

Kaya, kapag tinanggihan ng tao na maging bahagi ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia, ang katumbas nito ay tinatanggihan niya ang masaganang habag ng Diyos at ang Kaniyang napakadakilang pag-ibig.

Sa pagpapakilala ng Bagong Tipan, napakahalaga ng Iglesia na itinatag ni Cristo, sapagkat ito ang kahayagan ng masaganang habag ng Diyos at ng Kaniyang napakadakilang pag-ibig. Mahalaga ang Iglesia sapagkat ito ay itinatag ni Cristo upang ang mga tao ay magtamo ng mga pagpapalang espirituwal, at higit sa lahat, ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.


Author:  Greg F. Nonato
Source: God's Message Magazine:  March 2008/ Volume 60/ Number 3/ ISSN 0116-1636/pp. 21-22

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.