Tuesday, 28 August 2012

Ang sugong pinili ng Diyos




SUMASAMPALATAYA ANG Iglesia ni Cristo na si Kapatid na Felix Y. Manalo ay isinugo ng Diyos. Siya ay hinirang at kinasangkapan ng Diyos upang muling maitatag ang tunay na Iglesiang kay Cristo. Siya ang nagpasimula ng huling gawain ng Diyos sa pagliligtas.


Si kapatid na Felix Y. Manalo ay ginugunita ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo sa buong daigdig bilang pagtugon sa utos ng Diyos na nakasulat sa Biblia na:

Alalahanin ninyo ang mga nangasiwa sa inyo, ang mga nagpahayag sa inyo ng salita ng Dios. (Heb. 13:7, New Pilipino Version)

Ang pagkilalang ito ng Iglesia ni Cristo sa sugo ng Diyos sa mga huling araw ay tinutuligsa ng iba sapagkat hindi nila ganap na nauunawaan ang mga patotoo ng Diyos sa paghahalal Niya kay Kapatid na Felix Y. Manalo bilang Kaniyang sugo.



Ang patotoo ng Diyos sa sugo

Ano ang patotoo o hula ng Diyos sa paghalal o sa pagpili Niya kay Kapatid na Felix Y. Manalo? Ganito ang sabi ng Diyos ayon kay Propeta Isaias:

Ikaw na aking hinawakan mula sa mga wakas ng lupa, at tinawag kita mula sa mga sulok niyaon, at pinagsabihan kita, Ikaw ay aking lingkod, aking pinili ka at hindi kita itinakuwil.” (Isa. 41:9)

Ang Diyos ay may lingkod na pinili, tinawag, o inihalal sa panahong “mga wakas ng lupa.” Alin ang panahong ito? Upang ating malaman ang tinutukoy na “mga wakas ng lupa,” mabuting alamin muna natin kung alin ang panahong “wakas ng lupa.” Sa Mateo 24:3 ay ganito ang pahayag:

Pagkatapos, nang nakaupo Siya sa Bundok ng mga Olibo, tinanong Siya ng mga alagad, ‘Kailan po mangyayari ang sinabi Ninyo? Anu-anong pangyayari ang maghuhudyat ng Inyong pagbabalik at ng wakas ng mundo?’” (Salita ng Buhay)


Ang wakas ng lupa o “end of the earth” ay ang wakas ng mundo.


Itinanong ng mga alagad sa Panginoong Jesucristo kung anu-ano ang mga pangyayari o mga palatandaan ng Kaniyang muling pagbabalik o ng wakas ng mundo. Ganito ang naging sagot ng Panginoong Jesucristo:


“Gayon din naman kayo, pagka nangakita ninyo ang lahat ng mga bagay na ito, ay talastasin ninyo na siya’y malapit na, nasa mga pintuan nga.

At mangakakarinig kayo ng mga digmaan at mga alingawngaw ng mga digmaan; ingatan ninyo na huwag kayong magulumihanan: sapagka’t kinakailangang ito’y mangyari datapuwa’t hindi pa ang wakas.

Sapagka’t magsisitindig ang mga bansa laban sa bansa, at ang kaharian laban sa kaharian; at magkakagutom at lilindol sa iba’t ibang dako.

Datapuwa’t ang lahat ng mga bagay na ito ay siyang pasimula ng kahirapan.” (Mat. 24:33, 6-8)


Ayon sa Panginoong Jesucristo, kapag nakita “ang mga bagay na ito,” Siya ay malapit nang magbalik – nasa “mga pintuan” na o nasa mga wakas ng lupa o nasa panahong malapit na ang Araw ng Paghuhukom. Ang ilan sa mga bagay na mangyayari na palatandaang ang panhon ay nasa mga wakas ng lupa ay ang digmaang maririning o mapapabalita sa buong daigdig (Mat. 24:6, Magandang Balita Biblia). Ang mga ito ay natupad na. Sa tala ng kasaysayan ay dalawa ang malalaking digmaang naganap – ang Una at Ikalawang Digmaang Pandaigdig. Ang una ay sumiklab noong Hulyo 27, 1914:

The first great campaign on the southeastern battle grounds of the Great War began on July 27, 1914, when the Austrian troops undertook their first invasion of Serbia.” [Ang unang malawakang kampanya sa timog-silangan ng Malaking Digmaan ay nagsimula noong Hulyo 27, 1914, nang isagawa ng mga sundalong Autstriano ang unang pagsalakay sa Serbiya.] (The Story of the Great War: History of the European War from Official Sources, p. 291)


Ang Ikalawang Digmaang Pandaigdig naman ay sumiklab noong Setyembre 1, 1939 (A Survey of European Civilization, p. 919).


Ayon sa hula ay magkakaroon din ng kagutom, kahirapan, at paglindol sa iba’t ibang panig ng mundo. Ang lahat ng ito’y nagbabadya na malapit na ang Araw ng Paghuhukom. Ang panahong ito ang tinatawag na “nasa mga pintuan” o “mga wakas ng lupa.” Sa panahong ito natupad ang pagtawag ng Panginoong Diyos sa sugong mangangaral ukol sa gawaing pagliligtas sa mga huling araw.


Ang gawain ng sugo

Ano ang gagampanang gawain ng sinugo ng Diyos sa mga huling araw? Sa kaugnay na hula, sinabi ng Diyos na:

Fear not: for I am with thee; I will bring thy seed from the east, and gather thee from the west: I will say to the north, Give up; and to the south, Keep not back: bring my sons from afar, and my daughters from the ends of the earth.” [Huwag kang matakot: sapagkat ako’y sumasaiyo: Aking dadalhin ang iyong lahi mula sa silangan, at titipunin kita mula sa kanluran. Aking sasabihin sa hilaga, Bayaan mo, at sa timugan, Huwag mong pigilin: dalhin mo rito ang aking mga anak na lalake na mula sa malayo, at ang aking mga anak na babae na mula sa mga wakas ng lupa.] (Is. 43:5-6, King James Version)


Ang gagampanang gawain ng sugo ng Diyos sa mga huling araw ay ang pag-agaw sa mga taong pinipigil ng “hilagaan” at ng “timugan.” Alin ang tinutukoy sa hula na timugan at hilagaan? Sa ano kumakatawan ang mga ito? Mababasa sa aklat ng kasaysayan ang ganito:


“…In the north the Protestants were in control – Lutheran churches in Sweden, Norway, Denmark, Iceland, the northern and central states of Germany; Calvanist or Reformed churches in Scotland, the Netherlands, Hesse, the Palatinate, and a few of the western German states. In the south the Catholics were in control – Spain, Italy, Austria, Bavaria, and elsewhere in southern Germany.” [Sa hilagaan ang mga Protestante ang higit na nakararami – mga Iglesia Luterana ang nasa Sweden, Norway, Denmark, Iceland, mga estado na nasa hilaga at kalagitnaan ng Alemanya; ang mga Calvanista o mga Iglesia Reformada ay nasa Scotland, Netherlands, Hesse, Palatinate, at ilang mga estado na nasa kanluran ng Alemanya. Sa timugan ang mga Katoliko ang higit na nakararami – sa Espanya, Italia, Austria, Bavaria, at ilang mga dako ng timugang Alemanya.] (The Reformation, p. 366)

Ang timugan ay kumakatawan sa Katolisismo at ang hilagaan naman ay sa Protestantismo. Magmumula sa mga ito ang mga taong aagawin ng sugo mula sa mga maling relihiyon. Ano ang layunin sa pag-agaw sa mga tao mula sa mga relihiyong nabanggit? Ito ay upang matupad ang layunin ng Diyos na tawagin ang tao at ipakisama kay Cristo (I Cor. 1:9).




Ang paraan ng pagtawag ng Diyos


Bakit kailangan pa ang pagtawag ng Diyos upang maipakisama ang tao kay Cristo? Ayon mismo sa Tagapagligtas:


“Walang makalalapit sa akin malibang dalhin siya ng Amang nagsugo sa akin. At ang lalapit sa akin ay muli kong bubuhayin sa huling araw.” (Juan 6:44, MB)


Walang taong makalalapit sa Panginoong Jesucristo malibang ang tao’y dalhin o tawagin ng Diyos. Subalit, paano tinatawag ng Diyos ang tao upang maipakisama o dalhin kay Cristo? Ayon sa Biblia, ito ay sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo:


“Sa kalagayang ito’y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo.” (II Tes. 2:14)

Kaya, ang pangangaral ng ebangyelyo’y pagtawag ng Diyos. Ang nakinig, sumampalataya, at sumunod sa ebanghelyo ang tinawag o dinala sa pakikisama ng Diyos kay Cristo. Ngunit, sino ang kasangkapan ng Diyos sa pangangaral ng dalisay na ebanghelyo? Walang iba kundi ang sugo.




Ang pinagtularan sa gawain ng sugo

Sa ano itinulad ang gawain ng sugo ng Diyos sa mga huling araw?

Na tumatawag ng ibong mangdadagit mula sa silanganan, ng taong gumagawa ng aking payo mula sa malayong lupain; oo, aking sinalita, akin namang papangyarihin; aking pinanukala, aking namang gagawin.

Inyong dinggin ako, ninyong may mapagmatigas na loob; na malayo sa katuwiran:

Aking inilalapit ang aking katuwiran, hindi maglalaon at ang aking pagliligtas ay hindi magluluwat: at aking ilalagay ang kaligtasan sa Sion na ukol sa Israel na aking kaluwalhatian.” (Isa. 46:11-13)


Ang sugong magmumula sa “mga wakas ng lupa” (Isa. 41:9-10) na siya ring aagaw sa mga tao mula sa Protestantismo at Katolisismo (Isa. 43:5-6) ay itinulad sa ibong mandaragit. Siya ay isinugo sa mga taong malayo sa katuwiran o sa dalisay na ebanghelyo (Roma 1:16-17).

Ang “ibong mandaragit” na hinulaan ni Propeta Isaias ay tao na gumagawa ng payo ng Diyos na manggagaling sa Silanganan. Kung aling bahagi sa silangan, ayon sa patotoo ng hula ay sa “malayo” o Malayong Silangan. Sa Pilipinas natupad ang sinasabi ng hula ukol sa dakong pagmumulan ng sugo sa mga huling araw. Ang bansang Pilipinas ay nasa Malayong Silangan:

It cannot be without significance that the country which stands almost at the geographical center of the Far East, the Philippines, should also be that in which Christianity has taken the deepest root.” [Hindi maaaring mawalan ng kabuluhan na ang bansa na halos nasa gitnang pangheograpiya ng Malayong Silangan, na ito ay ang Pilipinas, ay siya ring bansang kinatatagang mabuti ng Cristianismo.] (Asia and the Philippines, p. 169)

Kung gayon, ang Diyos ay nagsugo sa mga huling araw na ito upang ipangaral sa tao ang dalisay na ebanghelyo, at sa gayon, ang tao ay maipagkasundo sa Kaniya at maipakisama sa Panginoong Jesucristo upang maligtas. Ang sugong ito, bilang katuparan ng hula, ay nagmula sa Pilipinas na siya ring dakong pagmumulan ng mga unang “aagawin” (Isa.43:5-6) o pangangaralan ng ebanghelyo.



Ang bunga ng pangangaral ng sugo

Gaya ng nabanggit sa unahan, ang mga naging bunga ng pangangaral ng sugo sa mga huling araw ay dinala ng Diyos sa Panginoong Jesucristo (Isa. 43:5; Juan 6:44). Ang mga dinala ng Diyos sa Panginoong Jesucristo ay magiging isang kawan:

At mayroon akong ibang mga tupa, na hindi sa kulungang ito: sila’y kailangan din naming dalhin ko, at kanilang diringgin ang aking tinig; at sila’y magiging isang kawan, at magkakaroon ng isang pastor.” (Juan 10:16)

Ang tinutukoy na kawan ay ang Iglesia ni Cristo, gaya ng ipinahayag ni Apostol Pablo:

Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kanyang dugo.] (Acts 20:28 Lamsa Translation)

Ang kawan o ang Iglesia ni Cristo ang tinubos ng dugo ni Cristo. Dito dapat umanib ang tao upang ariing-ganap at makatiyak ng kaligtasan (Roma 3:24-25; Roma 5:8-9; Efe. 5:23, MB).

Ang pag-anib sa Iglesia ni Cristo ang ipinangaral ng sugo sa mga huling araw – ni Kapatid na Felix Y. Manalo – upang ang tao ay maligtas. Ang Iglesia ni Cristo na kaniyang ipinangaral ay narehistro sa pamahalaang Pilipinas noong Hulyo 27, 1914, kaalinsabay ng pagsiklab ng Unang Digmaang Pandaigdig.

Si Kapatid na Felix Y. Manalo ang sinasampalatayanan ng mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na inihalal ng Diyos at isinugo sa mga huling araw na ito gaya ng pinatutunayan ng mga hula ng Diyos at ng kanilang katuparan. Dahil sa pagsusugo sa kaniya, maraming tao ang nagkaroon ng pagkakataong makapanumbalik sa Diyos at magkaroon ng kaugnayan kay Cristo, at sa gayo’y nakatitiyak ng pagtatamo ng kaligtasan.


Sanggunian

Chadwik, Owen. The Reformation. Harmondsworth, Middlesex, England: Penguin Books, 1972.

Compton’s Encyclopedia & Fact-Index. Chicago: Compton’s Learning Company, 1995.

Dela Costa, Horacio. Asia and the Philippines. Manila: Solidaridad Publishing House, 1967.

Ferguson, Wallace K., et al. A Survey of European Civilization. Boston: Houghton Mifflin Company, 1962.

The Story of the Great War: History of the European War from Official Sources, vol. 2. New York: P.F. Collier & Son, 1916
 
Source:  Pasugo, May 2002


 

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.