Friday, 27 January 2012

Siya ba ay Dios, o Tao?

 
Ang isa sa mga ikinatatangi ng mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo sa hanay ng mga relihiyong nagpapakilalang Cristiano ay ang nauukol sa tunay na likas na kalagayan ni Cristo.


Kinikilala ng Iglesia ni Cristo ang mga katangian at karangalang taglay ni Cristo – Panginoon (Gawa 2:36), Tagapagligtas (Gawa 5:31), Tagapamagitan (I Tim. 2:5), pangulo ng Iglesia (Efe. 5:23, Magandang Balita Biblia), Anak ng Diyos (Mat. 3:17).

Kaya, mataas ang pagkalilala at pagpapahalaga ng Iglesia ni Cristo kay Cristo dahil ito ang itinuturo ng Biblia. Ngunit sa kabila ng mga katangiang taglay Niya, hindi Siya ang tunay na Diyos. Ang aral na ito ng Iglesia ni Cristo tungkol kay Cristo ay hindi matanggap ng marami dahil inaakala nila na ang orihinal at naunang mga aral ng mga unang Cristiano ay tunay na Diyos si Cristo na nagkatawang-tao.

Kaya, kapag ipinangangaral ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay hindi Diyos, nagkakaroon agad ng maling isipan ang ibang tao na ang ganitong aral ay ibang-iba sa mga aral ng mga unang Cristiano sa panahong nabubuhay pa ang mga apostol.

Kung susuriing mabuti ang Biblia at maging ang mga natala sa iba’t ibang aklat ng kasaysayan ay lubos na mauunawaan na ang itinuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao at hindi tunay na Diyos ang siyang nauna at orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano.

Ang pananampalatayang ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos ang siyang itinuro mismo ni Cristo: “Pagkasabi ni Jesus nito, tumingala Siya sa langit at nagsabi, ‘Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin Mo ang Iyong Anak upang luwalhatiin Ka rin ng Iyong Anak… At ito ang buhay na walang hanggan – ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Diyos, at si Jesu-Cristong sinugo mo” (Juan 17:1, 3, Salita ng Buhay).Tiniyak ng ating Panginoong Jesucristo na ang Ama lamang ang dapat kilalaning kaisa-isang tunay na Diyos.

Patungkol naman sa Kaniyang sarili, sinabi ng Anak na Siya’y “sinugo” ng Diyos.


Ukol naman sa Kaniyang likas na kalagayan, ganito ang pagtuturo mismo ng Panginoong Jesucristo na mababasa sa Juan 8:40

Datapuwa’t ngayo’y pinagsisikapan ninyo akong patayin, na taong sa inyo’y nagsaysay ng katotohanan, na aking narinig sa Dios…”


Hindi ba’t ang higit na nakakaalam ng tunay na likas na kalagayan ni Cristo ay walang iba kundi Siya mismo? Malinaw ang Kaniyang pahayag mula sa Biblia na Siya ay tao. Ito rin ang katotohanang itinuro ng mga apostol (I Tim. 2:5; Gawa 2:22-23, MB; Mat. 1:18)

PATOTOO NG MGA MANANALAYSAY

May tala sa kasaysayan na nagpapatunay na noong simula, naniniwala ang mga Cristiano na si Cristo ay tao sa likas na kalagayan. Ganito ang pahayag ng historyador na si Bernhard Lohse na sinipi sa isang aklat: “… Gaya ng isinulat ng isang mananalaysay ng Iglesia, na si Bernhard Lohse, sa kaniyang Motive im Glauben (Motivation for Belief):

Ipinagunita sa atin ni Ario na si Jesus, tulad ng pagpapakilala sa kaniya sa mga Ebanghelyo ay hindi isang Diyos na lumakad sa lupa, kundi isang taong totoo. Mangyari pa, sa kaniyang pagiging tao ay pinatunayan ni Jesus ang lubos niyang pakikisama sa Diyos.’ ” (The Jesus Establishment, p.175) 1

Sa isang aklat kasaysayan ay binanggit kung ano ang paniniwala kay Cristo ng mga tinatawag na Apostolic Fathers na sumunod sa panahon ng mga apostol – Siya ay isang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos. Walang sinasabi sa tala ng kasaysayan na kinikilala na noon na si Cristo ay Diyos:
Ang karaniwang Cristianismo… ay kumikilos sa higit na mga payak na kaisipan. Ganap na tapat kay Cristo, kinilala nito na siya, unang-una bilang banal na tagapagpahayag ng kaalaman ng tunay na Diyos at tagapagpahayag ng isang bagong batas ng simple, marangal at mahigpit na moralidad. Ito ang palagay ng mga tinatawag na ‘Apostolic Fathers’, maliban kay Ignacio…” (A History of the Christian Church, p. 37) 2


Pinatunayan naman ng isang aklat na tinatawag na Old Roman o Apostles’ Creed (humigit-kumulang taong 100 AD) na walang tinataglay na paniniwala tungkol sa Cristong Diyos ang mga unang Cristiano. Ano ang sinasabi sa Kredong ito? Si Cristo ang bugtong na Anak na ipinanganak sa pamamagitan ng Espiritu Santo at ni Birhen Maria. Walang binabanggit sa kredong ito ukol sa Cristong eksistido na noon pang una. Kaya, batay sa mga tala ng kasaysayan, nang mga panahong iyon ay wala silang tinataglay na paniniwalang si Cristo ay Diyos (The Philosophy of the Church Fathers, p. 190-191) 3
Ang paniniwalang si Cristo ay tao ang orihinal na paniniwala ng mga unang Cristiano. Kaya, sa pagtuturo ng Iglesia ni Cristo na si Cristo ay tao, itinataguyod lamang nito ang orihinal na paniniwala na mga unang Cristiano.

PATOTOO PA NG IBANG MGA AWTORIDAD

Sinasang-ayunan ba ng mga awtoridad Katoliko ang katotohanan na hindi nga tinawag na Diyos si Cristo noong una? Sa aklat na pinamagatang Ang kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano ay matatagpuan ang ganito: “Kaya’t hindi maaring sabihin na tinatawag nang Diyos si Jesus noong mga kaunaunahang araw ng kristiyanismo” (p.32) 4

Hindi Diyos ang Panginoong Jesucristo sapagkat hindi raw maaaring sabihin na tinatawag nang Diyos si Jesus noong mga kauna-unahang araw ng Cristianismo. Bakit? Ayon naman sa ibang mga nagsuri “… malaya na ngayong tinatanggap kapuwa ng mga Protestante at Katolikong teologo at tagapagpaliwanag ng doktrina: na batay sa nakakalap na pangkasaysayang impormasyon, hindi inisip ni Jesus na taga-Nazaret na Siya’y Diyos…”
(The First Coming, p.5) 5

Kung ni hindi pala inisip ni Cristo na Siya’y ay Diyos, paano, kung gayon, nagkaroon na paniniwala na si Cristo raw ay tunay na Diyos?
Sa aklat-Katoliko na At Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kaniyang Anak, “Ipinahahayag ng ilang dalubhasa na utay-utay na binalangkas ng Simbahan ang pananampalataya sa pagka-Diyos ni Jesus na impluho ng mga ibang relihiyon” (p.181) 6.
Ayon naman sa ibang mga mananalaysay, bumangon ang  paniniwalang si Cristo ay tunay na Diyos nang lumaganap ang Katolisismo sa mga bansang pagano (The Meaning of the Dead Sea Scrolls, p.90). 7
Ayon sa isang historyador, ang pinakaunang nagpahayag na Diyos si Cristo pagkatapos na panahon ng mga manunulat ng Bagong Tipan ay si Ignacio ng Antioquia – isa sa tinaguriang unang ama ng Iglesia: “Ang kauna-unahang panahong nalalaman na si Jesus ay diniyos ay pagkatapos ng panahon ng mga manunulat ng Bagong Tipan, sa mga sulat ni Ignacio, sa pasimula ng ikalawang siglo” (Systematic Theology, p. 305). 8
Ayon sa aklat na A History of God: “… Ang doktrinang si Jesus ay Diyos na nasa anyong tao ay hindi naging pinal hanggang noong ikaapat na siglo. Ang pagkakabuo ng paniniwala ng mga Cristiano tungkol sa pagkakatawang-tao (Enkarnasyon) ay isang unti-unti at masalimuot na proseso. Natitiyak natin na hindi kailanman inangkin ni Jesus na Siya’y Diyos (p.81). 9

Ikaapat na siglo na nang pormal at opisyal na ipahayag ng Iglesia na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos. Sa aklat ng Iglesia Katolika na Discourses on the Apostles’ Creed, ay ganito ang isinasaad:
Kaya halimbawa, noon lamang 325 A.D. sa Konsilyo ng Nicea nang ipaliwanag ng Iglesia sa atin na isang alituntunin ng pananampalataya na si Jesus ay tunay na Diyos.” (p.206) 10


ANG IPINAGPAUNA NG MGA APOSTOL

Dapat ba nating ipagtaka kung may lumitaw at lumaganap na paniniwala tungkol sa Panginoong Jesucristo na ibang-iba naman sa ipinangaral ng mga apostol? Hindi, sapagkat ito’y ipinagpauna ni Apostol Pablo:
Nguni’t ako’y natatakot, baka sa anomang paraan, kung paanong si Eva ay nadaya ng ahas sa kaniyang katusuhan, ang inyong walang malay at malinis na mga pagiisip na kay Cristo ay pasamain. Sapagka’t kung yaong paririto ay mangaral ng ibang Jesus, na hindi namin ipinangaral, o kung kayo’y nagsisitanggap ng ibang espiritu na hindi ninyo tinanggap, o ibang evangelio na hindi ninyo tinaggap, ay mabuting pagtiisan ninyo” (II Cor. 11:3-4)

Kaya, buhay pa ang mga apostol ay ipinagpauna na nila na may mga magtuturo sa mga unang Cristiano ng iba sa kanilang ipinangaral. Ang ganito ay hidwang pananampalataya at hindi ikaliligtas (Gal. 5:19-21)
Bagaman sa pananaw ng marami ay ibang-iba ang mga aral na sinasampalatayanan ng Iglesia ni Cristo tungkol kay Cristo – na Siya’y tao sa likas na kalagayan at hindi Diyos – ay hindi naman ito naiiba sa katotohanang itinuturo ng Biblia. Ang pagtuturong si Cristo ay tao at hindi Diyos ay pagbabalik sa orihinal na mga aral na sinasampalatayanan ng mga unang Cristiano.



Nota: Ang mga reperensiya sa wikang Ingles ay isinalin sa wikang Filipino.
Sanggunian:
1 Lehmann, Johannes.
The Jesus Establishment. Garden City, New York: Doubleday & Company, Inc. 1974
2 Walker, Williston. A History of the Christian Church. New York: Charles Scribner’s Sons, 1970
3 Wolfson, Harry Austryn. The Philosophy of the Church Fathers. Cambridge, Massachusetts: Harvard University Press, 1964.
4 Sevilla, Pedro., S.J. Ang Kabanalbanalang Isangtatlo: Ang Diyos ng mga Kristiyano. Philippines: n.p., n.d
5 Sheehan, Thomas. The First Coming: How the Kingdom of God became Christianity. New York, USA: Random House, Inc. 1986
6 Sevilla, Pedro  C., S.J. At Nagsalita ang Diyos sa Pamamagitan ng Kanyang Anak. Quezon City, Philippines: n.p., n.d.
7 Davies, A. Powell. The Meaning of the Dead Sea Scrolls. USA: Penguin Books, USA, Inc., 1956.
8 Strong, Augustus Hopkins, D.D., LL.D., Systematic Theology. Philadelphia: The Judson Press, 1907.
9 Armstrong, Karen. A History of God: The 4,000-year Quest of Judaism, Christianity and Islam, New York: Ballantine Books, 1993.
10 Crock, Clement H. Rev., Discourses on the Apostles’ Creed, New York City: Joseph F. Wagner, Inc., 1938
Source: PASUGO, God’s Message; May 2010 edition, Volume 62, Number 5, ISSN 0116-1636, p. 20-22, by MICHAEL M. SANDOVAL

No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.