Wednesday, 3 October 2012

Bakit hindi nagseselebra ng pasko ang mga tunay na Iglesia ni Cristo


Alamin po natin kung bakit sa kabila ng halos lahat ng nagpapakilalang kristyano ay nagseselebra ng pasko, ang Iglesia ni Cristo ay hindi nakikigaya sa kanila,alamin po natin ang kasaysayan ng pagkakaroon ng pasko.


Ang Iglesia Katolika at mga protestante ay may ipinagdiriwang na Pasko tuwing Disyembre 25 ng bawat taon, na ipinalalagay nila na ito ay ang kapanganakan ng Panginoong Jesucristo. Kaugnay nito, marami silang isinasagawang mga aktibidad at marami rin ang nakikibahagi sa mga iyon.  Kaya may mga pumupuna sa hindi pakikipagkaisa ng Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang nila.  Sinasabi ng iba na mabuti pa raw ang kaarawan ng kapanganakan ng mga kaanib sa Iglesia ay aming ipinagdiriwang.  Inaakala tuloy ng ilan na napakaliit ng pagtingin ng Iglesia ni Cristo sa Panginoong Jesucristo.  Kung alam lamang nila na hindi tunay na kaarawan ni Cristo ang ipinagdiriwang nila tuwing Disyembre 25, kundi iyon ay isang pistang pagano na “isina Cristiano,” marahil ay hindi sila papayag na magkaroon sila ng bahagi sa pagdiriwang na iyon.

          Ganito ang mababasa sa isang aklat Katoliko tungkol sa Pasko na ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante:



“It has sometimes been said that the Nativity [Christmas] is only a Christianized pagan festival.” [Handbook of Christian Feasts and Customs, page 61]

Sa Filipino:

“Nasabi na sa ilang pagkakataon na ang Natividad [Pasko] ay isa lamang isina-Cristianong kapistahang pagano.”

          Pinatutunayan ng aklat na ito na ang Natividad o Pasko na ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante ay isa lamang “isina-Cristianong” kapistahang pagano.

Ano ba ang ibig sabihin ng salitang PAGAN o “pagano”?

“PA'GAN, n. a Gentile; an idolater; one who worships false gods. This word was originally applied to the inhabitants of the country, who on the first propagation of the Christian religion adhered to the worship of false gods, or refused to receive Christianity, after it had been received by the inhabitants of the cities.” [Webster’s 1828 Dictionary]

Sa Filipino:

“PAGANO, n. isang Gentil; isang mapagsamba sa diosdiosan; sumasamba sa mga hindi tunay na diyos. Ang salitang ito ay unang ginamit sa mga unang mamayan ng isang nayon, na sa pasimula ng pagpapalaganap ng relihiyong Cristiano ay mga nahirati sa pagsamba sa mga hindi tunay na diyos, o yaong tumatanggi na tanggapin ang Cristianismo, pagkaraan na ito ay tinanggap na ng mga naninirahan sa mga lungsod.”

                Maliwanag na sinasabi ng Dictionary na ang isang Pagano ay isang tao na hindi sumasamba sa tunay na Diyos dahil sa ang mga ito ay ang mga nahirati sa pagsamba sa mga diosdiosan, sa panahon natin sila iyong mga Hindu, Budhist, o alin mang relihiyon na lumuluhod at naglilingkod sa mga rebulto o larawan, na tumatanggi sa aral ng Cristianismo.  Sa pagsasabi na ang Pasko ay isina-Cristiano lamang na Pistang Pagano, ibig sabihin noon ay kinopya lamang ito sa pagdiriwang ng mga taong hindi Cristiano na sumasamba sa mga diosdiosan.

Ang Pagkapili ng Disyembre 25

          Ang pagkapili ng Disyembre 25, na diumano’y petsa ng kapanganakan ni Cristo, ay buhat lamang sa impluwensiya ng mga Romanong Pagano:

“…The choice of December 25 was influenced by the fact that the Romans, from the time of Emperor Aurelian (275), had celebrated the feat of the sun god (Sol Invictus: The Unconquered Sun) on that day.  December 25 was called the ‘Birthday of the Sun.’ and great pagan religious celebrations of the Mithras cult were held all through the empire.” [Handbook of Christian Feasts and Customs, page 61]

Sa Filipino:

“…Ang pagkakapili sa ika-25 ng Disyembre ay naimpluwensiyahan ng pangyayaring ang mga Romano, mula sa panahon ni Emperador Aureliano (275), ay ipinagdiwang ang kapistahan ng diyos na araw (Sol Invictus: ang Hindi Mapananaigang Araw) sa araw na iyon.  Ang ika-25 ng Disyembre ay tinatawag na ‘Araw ng Kapanganakan ng Araw’, at idinaos sa buong imperyo ang mga dakilang paganong pagdiriwang na panrelihiyon ng kultong Metraiko.”

          Maliwanag na ang Disyembre 25 ay hindi siyang tiyak na petsa ng kapanganakan ni Cristo [Wala naman talaga tayong mababasa sa Biblia kung kailan siya ipinanganak].  Ito ay ang Petsa ng isang kapistahan ng mga pagano, na ang ipinagdiriwang ay ang kanilangDiyos na Araw na si Sol Invictus o ang Hindi Mapananaigang Araw.”  Sa petsang ito ay idinaraos ang malaking panrelihiyong pagdiriwang na pagano. At maliwanag nilang inamin na ito ang kanilang pinagbatayan ng pagkapili nila ng Disyembre 25, na siyang kapanganakan daw ni Jesucristo.


Galing din sa Pagano

        Hindi lamang ang petsa ang kinuha o kinopya sa mga pagano kundi pati ang mga gawain kung araw ng Pasko gaya ng mga pagsisindi ng mga kandila at paglalagay ng mga Christmas Tree.

“The candles, in some parts of England, lighted on Christmas eve, and used so long as the festive season lasts, were equally lighted by the pagans on the eve of the festival of the Babylonian god, to do honour to him; for it was one of the distinguishing peculiarities of his worship to have lighted wax candles on his altars.  The Christmas Tree, now so common among us, was equally common in Pagan rome and Pagan Egypt.” [The Two Babylons Or the Papal Worship, p. 97]

Sa Filipino:

“Ang mga kandila, sa ilang bahagi ng Inglatera, na sinisindihan tuwing bisperas ng Pasko, at ginagamit sa buong panahon ng pagdiriwang, ay kaparehong sinisindihan ng mga pagano sa bisperas ng kapistahan ng diyos ng Babilonia, upang parangalan siya: sapagkat ang isa sa mga mapagkakakilanlang kaibahan ng pagsamba sa kaniya ay ang magkaroon ng mga sinindihang kandila sa kaniyang mga dambana.  Ang Christmas Tree, na ngayon ay lubhang pangkaraniwan na sa atin, ay kaparehong pangkaraniwan din sa Paganong Romano at Paganong Ehipto.”

          Nagsisindi ng kandila ang mga pagano sa bisperas ng kapistahan ng diyos ng Babilonia upang parangalan siya.  Ang Cristmas Tree naman ay pangkaraniwan sa paganong Roma at paganong Ehipto.

          Maging ang mga nagsipagsuri tungkol sa Christmas Tree ay nagsasabi na ito’y isang labi ng pagsamba ng mga pagano sa punong-kahoy:

“Some authorities consider the Christmas tree a survival of pagan tree worship and trace it to ancient Rome and Egypt…”[Collier’s Encyclopedia, vol 6, p.404]

Sa Filipino:

“Ang ilan sa mga awtoridad ay itinuturing ang Christmas tree na isang namamalaging umiiral na labi ng pagsamba sa puno ng mga pagano at matatalunton ito sa matandang Roma at Ehipto.”

          Kaya hindi nakikiisa ang mga Iglesia ni Cristo sa pagdiriwang ng Pasko dahil ito ay nagmula lamang sa mga pagano, hindi lamang ang petsa, kundi maging ang iba’t-ibang gawain na isinasagawa ng mga Katoliko at Protestante sa nasabing okasyon.


Magliligaw sa Katotohanan

          Isang katotohanan na ang Paskong ipinagdiriwang ng mga Katoliko at mga Protestante ay inimbento o katha lamang.  Hindi ito utos ng Diyos kundi utos lang ng tao.  Ang kautusan ng tao, kapag pinagsaligan sa paglilingkod sa Diyos, ay nagliligaw sa katotohanan:

Tito 1:14  “At upang maalis ang hilig nila sa mga alamat ng mga Judio atmga kautusan ng mga tao, na nagliligaw lamang sa kanila sa katotohanan.” (Salita ng Buhay)

          Hindi namamalayan ng mga nakikiisa sa pagdiriwang ng Pasko na sila ay naililigaw na sa katotohanang ikaliligtas, sapagkat sa kanilang ginagawa ay sumusunod sila sa mga kautusan ng tao at mga gawaing pagano.  Ang dapat maging saligan sa paglilingkod ng tao sa Diyos at sa ating Panginoong Jesucristo ay hindi ang mga utos ng tao kundi ang mga kalooban ng Diyos na nakasulat sa mga Banal na Kasulatan.

2 Timoteo 3:15-17  “Mula pa sa pagkabata ay alam mong ang Banal na Kasulatan ay nagtuturo ng daan ng kaligtasan sa pamamagitan ng pananampalataya kay Cristo Jesus.  Ang lahat ng Kasulatan ay kinasihan ng Diyos, at nagagamit sa pagtuturo ng katotohanan, sa pagtatama sa maling katuruan, sa pagtutuwid sa likong gawain at sa pagsasanay para sa matuwid na pamumuhay,  upang ang lingkod ng Diyos ay magiging karapat-dapat at handa sa lahat ng mabubuting gawain.”  [Ang Bagong Magandang Balita, Biblia]

          Anumang aral na hindi ayon sa Biblia at labag pa sa itinuturo ng Biblia ay hindi ikaliligtas  kundi tiyak na ikapapahamak sa Araw ng Paghuhukom:

2 Tesalonica 2:11-12 “Sapagkat hindi nila tinanggap ang katotohanan, ipinaubaya sila ng Diyos na sila’y malinlang ng espiritu ng kamalian at papaniwalain sa kasinungalingan upang maparusahan ang lahat ng pumili sa kasamaan sa halip na tumanggap sa katotohanan” (Magandang Balita, Biblia)

Ito ang isa sa dahilan kaya hindi ipinagdiriwang ng Iglesia ni Cristo ang “Pasko” ng mga Katoliko at mga Protestante.  Ano ang mapapala sa isang araw ng masayang pagdiriwang, kung ito naman ay patungo sa pagkahamak ng ating mga kaluluwa magpakailan man?



Sanggunian:

Collier’s Encyclopedia.  New York: Macmillan Educational Company. 1964.

Handbook of Christian Feasts and Customs. Francis X. Weiser. New York: Hartcourt, Brace & World, Inc., n. d.

The Two Babylons Or the Papal Worship. Rev. Alexander Hislop. Neptune, New Jersey: Loizcaux Brothers, Inc., 1943.

ANG TUNAY NA PARAAN NG PAGPAPAWALANG-SALA NG DIYOS



IBA'T-IBANG PAMAMARAAN ang ginagamit ng mga tao upang maalis ang galit ng Diyos sa kanila bunga ng mga kasalanang nagawa nila. May mga tao na nagpipinitensya, lumalakad nang paluhod patungo sa altar ng simbahan; pinahihirapan ang kanilang katawan; ang iba nama'y nagsasadya pa sa malalayong dako sa layuning magsakripisyo at magsasagawa ng mataimtim na pagninilay-nilay (retreat) para hingin ang awa at habag ng Diyos na sila ay mapatawad. Subalit ano ang sinasabi ng Biblia tungkol sa mga sakripisyo na ginagawa ng tao subalit ang batayan naman ay mga aral lamang ng tao? Sa Colosas 2:22-23 ay ganito ang nakasulat:
"Ang lahat ng alituntuning ito ay masisira sa paggamit, palibhasa'y mga utos at mga aral lamang ng tao. Ang mga bagay na ito'y mayroong anyo ng karunungan sa pagsambang ayon sa sariling kagustuhan, sa pagpapakababa, at sa pagpapahirap sa katawan, ngunit wala silang kabuluhan laban sa kalayawan ng laman" (Ang Bagong Biblia).
Hindi masamang hangarin ng tao ang kapatawaran ng kasalanan. Subalit, matatamo ba niya ito sa pamamagitan ng kaniyang sariling pamamaraan lamang, gaya ng pagsasagawa ng iba't-ibang uri ng paglilingkod sa Diyos? Ano ang ipinauunawa ng mga apostol sa mga taong iginigiit ang sarili nilang paraan upang mapatawad o mapawalang-sala sila ng Diyos? Ayon sa mga apostol, dapat munang makilala o malaman ng mga tao ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos:
"Mapatutunayan kong sila'y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan. Sapagkat hindi nila nakilala ang pagpapawalang-sala na kaloob ng Diyos, at nagsikap silang magtayo ng sarili nilang pamamaraan sa halip na sundin ang pamamaraan ng Diyos" (Roma 10:2-3, Magandang Balita Biblia).
Kapansin-pansin ang binanggit ni Apostol Pablo na pinatutunayan niyang may mga taong talagang nagsisikap noon pa man na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang ginamit na batayan o pamamaraan sa halip na sundin ang sa Diyos. Ano ba ang paraang itinuro ng Diyos sa pamamagitan ng mga apostol upang ang mga taong nagkasala ay mapatawad sa kasalanan? Kailangang linisin ang tao ng dugo ni Cristo:
"Ngunit higit na di-hamak ang magagawa ng dugo ni Cristo. Sa pamamagitan ng walang hanggang Espiritu ay inialay niya sa Diyos ang kanyang sarili na walang kapintasan. Ang kanyang dugo ang luminis sa ating puso't isip upang talikdan na natin ang mga gawang walang kabuluhan at paglingkuran ang Diyos na buhay" (Heb. 9:14, Ibid.).
Maliban sa pagkabuhos ng dugo ni Cristo ay wala nang iba pang paraan upang ang tao'y maging malinis sa lahat ng kaniyang karumihan o mapatawad sa kasalanan:
"At ayon sa kautusan, ay halos masasabi kong lahat ng mga bagay ay nililinis ng dugo, at maliban na sa pagkabuhos ng dugo ay walang kapatawaran" (Heb. 9:22).
Ipinagdiinan ito ni Apostol Pablo sa kaniyang mga pagtuturo noon pa sapagkat may mga taong gustung-gustong maging karapat-dapat o kalugod-lugod sa Diyos subalit ayaw namang pasaklaw sa paraan Niya, bagkus ay ipinagpipilitan ang kanilang sariling paraan. Kaya nga ang sabi ni Apostol Pablo "sila'y nagsisikap na maging kalugod-lugod sa Diyos, subalit mali ang kanilang batayan."

KAILANGAN ANG KAPATAWARAN
Ano ba ang isa sa mga pangunahing dahilan kung bakit kailangang ang tao ay mapatawad sa kaniyang mga kasalanan? Ang taong nagkasala ay nahiwalay sa Diyos, ayon sa pagtuturo ng Biblia:
"Kundi pinaghiwalay ng inyong mga kasamaan kayo at ang inyong Dios, at ang inyong mga kasalanan ay siyang nagpakubli ng kaniyang mukha sa inyo, upang siya'y huwag makinig" (Isa. 59:2).
Bukod sa nahiwalay sa Diyos ang mga nagkasala ay itinuring pa Niya na kaaway ang mga ito:
"At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong mga gawang masasama" (Col. 1:21)
Higit sa lahat, tinakdaan ng Diyos na pagbayaran ng tao ang kamatayan ang mga kasalanang nagawa niya:
"Sapagka't ang kabayaran ng kasalanan ay kamatayan; datapuwa't ang kaloob na walang bayad ng Dios ay buhay na walang hanggan kay Cristo Jesus na Panginoon natin" (Roma 6:23).
Ang kamatayang ito na itinakda ng Diyos na maging ganap na kabayaran ng kasalanan ng tao ay hindi lamang ang kamatayang pagkalagot ng hininga kundi ang ikalawang kamatayan sa dagat-dagatang apoy:
"At ang kamatayan at ang Hades ay ibinulid sa dagatdagatang apoy. Ito ang ikalawang kamatayan, sa makatuwid ay ang dagatdagatang apoy" (Apoc. 20:14).
Sa parusang ito kailangang-kailangan ng tao na maligtas. Tiniyak ng Banal na Kasulatan na ang lahat ng tao ay nagkasala:
"Kaya, kung paano na sa pamamagitan ng isang tao ay pumasok ang kasalanan sa sanglibutan, at ang kamataya'y sa pamamagitan ng kasalanan; at sa ganito'y ang kamatayan ay naranasan ng lahat ng mga tao, sapagka't ang lahat ay nangagkasala" (Roma 5:12).
Tunay nga, kailangan ng tao ang katubusan o kapatawan ng kaniyang mga kasalanan. At ang kapatawaran ay matatamo lamang sa pamamagitan ng dugo ng ating Panginoong Jesucristo upang ang tao ay mailapit na muli sa Diyos:
"Ngunit dahil sa pakikipag-isa kay Cristo Jesus, kayong dating malayo ay inilapit sa pamamagitan ng dugo ni Cristo" (Efe 2:13, New Pilipino Version).
ANG NATAMO NG NATUBOS
Ang tanging kaparaanan lamang upang ang tao malinis o mapatawad sa kaniyang mga kasalanan ay ang siya'y matubos ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo. Ano ang kahalagahan kung ang tao ay matubos o mapatawad na sa kaniyang kasalanan? Makakapaglilingkod na siya sa Diyos na buhay (Heb. 9:14).

Hindi lamang ang karapatan sa tunay na paglilingkod sa Diyos ang matatamo ng taong malilinis o mapatatawad sa kasalanan sa pamamagitan ng dugo ni Cristo kundi higit sa lahat ay iyon ang tiyak na ikaliligtas niya sa poot ng Diyos:
"Ngunit ipinadama ng Diyos ang kanyang pag-ibig sa atin nang mamatay si Cristo para sa atin noong tayo'y makasalanan pa. At ngayong napawalang-sala na tayo sa pamamagitan ng kanyang dugo, lalo nang tiyak na maliligtas tayo sa poot ng Diyos sa pamamagitan niya" (Roma 5:8-9, MB).
Itinuturo ng Biblia kung alin at kung sinu-sino lamang ang mga taong napatawad na sa kasalanan, nagtamo ng karapatang magsagawa ng tunay na pagsamba at paglilingkod sa Diyos, at tiyak na maliligtas:
"Ingatan ninyo kung gayon ang inyong mga sarili at ang buong kawan na rito'y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo" (Gawa 20:28, Lamsa Translation, isinalin mula sa Ingles)
Samakatuwid, hindi ang kahit sino na lamang ay makatitiyak o makapag-aangking siya'y nalinis o natubos na ng mahalagang dugo ng ating Panginoong Jesucristo sapagkat ang pinatutunayan ng mga apostol na tinubos o binili ni Cristo ng Kaniyang dugo ay ang Iglesia Ni Cristo. Kaya ano ang ang ipinagagawa ng ating Panginoong Jesucristo sa sinumang tao na naghahangad na makinabang sa pagkakabuhos ng Kaniyang dugo? Sa Juan 10:9 ay ganito ang maliwanag na itinuro ni Cristo:
"Ako ang pintuan; sinumang pumasok sa loob ng kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas ..." (Revised English Bible, isinalin mula sa Ingles)
Ang kawan na tinutukoy ni Cristo ay walang iba kundi ang Iglesia Ni Cristo (Gawa 20:28, Lamsa Translation).

Samakatuwid, marapat lamang na hangarin ng tao na mapatawad siya sa kaniyang mga kasalanan subalit mangyayari lamang ito sa kaniya kung pasasaklaw siya sa patakaran o pamamaraan ng Diyos - kailangang ang siya'y umanib sa Iglesia Ni Cristo. Ang pag-anib sa tunay na Iglesia ang tanging paraan upang ang tao ay mapabilang sa mga tinubos ng dugo ni Cristo at nang sa gayon ay mapatawad siya sa kasalanan, magtamo ng karapatan sa tunay na paglilingkod sa Diyos, at higit sa lahat ay makatiyak ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.

Author: Ruben C. Santos
Source: God's Message Magazine:  August 2011/ Volume 63/ Number 8/ ISSN 0116-1636/pp. 24-26

ANG PAGKAKAIBA NG NASA LOOB AT NG NASA LABAS NG IGLESIA



"Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib."

PINANINIWALAAN NG MARAMI na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ng Diyos. Kaya ang iba ay hindi maselan sa pagpili ng relihiyong inaaaniban. Kung alin ang babagay sa kanilang kursunada at paraan ng pamumuhay ay doon sila umaanib.

Sang-ayon kaya sa pagtuturo ng Biblia ang paniniwalang ang lahat ng relihiyon ay magkakatulad lamang sa harap ng Diyos? Ganito kaya ang itinuro ni Cristo at ng Kaniyang mga apostol? Ayon sa pagtuturo ng Biblia, ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Ngayon nga'y wala nang anomang hatol sa mga na kay Cristo Jesus." (Roma 8:1)
Pansinin na hindi sinabi ni Apostol Pablo na ang lahat ng tao o kahit sino na lamang ay wala nang hatol. Ang tinitiyak ng Biblia na wala nang hatol o hindi na parurusahan ay ang mga na kay Cristo.

Mahalaga, kung gayon, na malaman ng tao kung sino ang tinutukoy ni Apostol Pablo na mga na kay Cristo at dito siya dapat mapabilang upang hindi makasama sa mga parurusahan.

ANG MGA WALA NANG HATOL
Sino ang mga taong na kay Cristo at hindi na hahatulan? Ganito ang mababasa sa Biblia:
"Ay gayon din tayo, na marami, ay iisang katawan kay Cristo, at mga sangkap na samasama sa isa't isa." (Roma 12:5)
Ang mga taong kay Cristo ay itinulad sa mga sangkap na sama-sama sa iisang katawan. Ang tinutukoy na katawang kay Cristo ay ang Iglesia Niya:
"At siya ang ulo ng katawan, sa makatuwid baga'y ng iglesia." (Col. 1:18)
Ang Iglesiang ito na katawan ni Cristo ang tinatawag ng Biblia na Iglesia ni Cristo (Roma 16:16). Kaya, nakatitiyak ang mga kaanib sa Iglesia ni Cristo na maliligtas sila sa hatol o parusa.

Batay sa mga katotohanang ito, maituturing kaya na magkapareho lamang o walang pagkakaiba ang kaanib sa tunay na Iglesia at ang hindi kaanib? Hindi rin kaya hahatulan o parurusahan ang nasa labas nito? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Datapuwa't sa nangasa labas ay Dios ang humahatol. Alisin nga ninyo sa inyo ang masamang tao."  (I Cor. 5:13)
Tinitiyak ng Biblia na ang mga nasa labas ay hahatulan o parurusahan ng Diyos. Kaya isang malaking kamalian ang paniniwalang makakapareho lamang na sa Diyos ang lahat ng relihiyon at walang pagkakaiba ang kaanib at hindi kaanib sa Iglesia ni Cristo.

ANG MGA TAGAPAGMANA NG PANGAKO
Pinatutunayan ng Biblia na ang mga kay Cristo ang kinikilalang binhi ni Abraham at mga tagapagmana ng pangako ng Diyos:
"At kung kayo'y kay Cristo, kayo nga'y binhi ni Abraham, at mga tagapagmana ayon sa pangako." (Gal. 3:29)
Pansining muli na hindi sinasabi sa Biblia na ang lahat ng tao ay mga tagapagmana ng mga pangako. Sa halip, ang mga kay Cristo ang magmamana ng mga pangako. Ano ang pangako na mamanahin ng mga kay Cristo?
"At ito ang pangakong kaniyang ipinangako sa atin, ang buhay na walang hanggan." (I Juan 2:25)
"Nguni't, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at ng bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran." (II Ped. 3:13)
Pinangakuan ang mga kay Cristo ng buhay na walang hanggan. Ang mga kay Cristo rin ang maninirahan sa bagong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran. Kaya, hindi ang lupang ito na ating kasalukuyang tinatahanan ang inaasahan ng mga kay Cristo. Itinuturing nila na sa lupang ito ay manlalakbay lamang sila (Heb. 11:13) at ang tunay nilang bayan ay nasa langit (Filip. 3:20).

Tunay na mapalad ang mga kay Cristo o ang mga sangkap ng Kaniyang katawan o Iglesia.

Pareho lamang ba ang kapalaran ng kaanib at hindi kaanib sa Iglesia? Ang mga hiwalay kay Cristo o hindi sangkap ng Kaniyang katawan o hindi kaanib sa Iglesia ay magmamana rin kaya ng mga pangako ng Diyos? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
"Hiwalay kayo noon kay Cristo at hindi kabilang sa Israel. Wala kayong bahagi sa tipan at pangako ng Dios sa kanila. Wala kayong Dios o pag-asa sa kaligtasan." (Efe 2:12, Salita ng Buhay)
Ang hiwalay kay Cristo ay hindi kabilang sa Israel kung kaya hindi ibinibilang na binhi ni Abraham. Bukod dito, ang hiwalay kay Cristo o wala sa Iglesia ni Cristo ay walang bahagi sa tipan at mga pangako. Wala silang karapatang maglingkod sa Diyos at wala silang pag-asa sa kaligtasan. Kaya hindi totoo na magkapareho lamang at walang pagkakaiba ang kaanib sa Iglesia ni Cristo at ang hindi kaanib. Malaki ang pagkakaiba ng mga taong nasa loob ng Iglesia at ng mga nasa labas.

MAGKAIBA SA PAGKABUHAY NA MULI
Sa muling pagparito ng Panginoong Jesucristo, kapag binuhay nang muli ang mga namatay, pareho lamang ba't walang pagkakaiba ang kaanib at di kaanib ng Iglesia ni Cristo? Ang sabi sa Biblia:
"Sapagka't ang Panginoon din ang bababang mula sa langit, na may isang sigaw, may tinig ng arkanghel, at may pakakak ng Dios: at ang nangamatay kay Cristo ay unang mangabubuhay na maguli; Kung magkagayon, tayong nangabubuhay, na nangatitira, ay aagawing kasama nila sa mga alapaap, upang salubungin ang Panginoon sa hangin: at sa ganito'y sasa Panginoon tayo magpakailan man." (I Tes. 4:16-17)
Ang mga namatay kay Cristo, ayon sa mga apostol, ang unang mabubuhay na muli, at ang mga daratnang buhay ay aagawing kasama nila upang sumalubong sa Panginoon at sila'y sasa Kaniya magpakailan man. Kasama ba sa unang pagkabuhay na mag-uli ng mga patay ang mga hindi kaanib sa Iglesia? Ganito ang nakasulat sa Biblia:
 "Ang mga iba sa mga patay ay hindi nangabuhay hanggang sa naganap ang isang libong taon. Ito ang unang pagkabuhay na maguli."(Apoc. 20:5)
Maging sa pagkabuhay na mag-uli ay malaki ang pagkakaiba ng kaanib sa Iglesia at ng hindi kaanib. Ang mga kay Cristo ang unang mabubuhay na mag-uli samantalang ang hindi kay Cristo ay hindi mangabubuhay hanggang sa maganap ang isang libong taon. Pareho lang kaya na magiging mapalad ang kasama sa unang pagkabuhay na muli at ang bubuhayin makalipas ang isang libong taon? Ganito ang sagot ng Biblia:
"Mapalad at banal ang makalakip sa unang pagkabuhay na maguli: sa mga ito'y walang kapangyarihan ang ikalawang kamatayan; kundi sila'y magiging mga saserdote ng Dios at ni Cristo, at mangaghaharing kasama niya sa loob ng isang libong taon." (Apoc 20:6)
Ang mapalad ay yaong makakalakip sa unang pagkabuhay na mag-uli sapagkat wala nang kapangyarihan sa kanila ang ikalawang kamatayan o ang kaparusan sa dagat-dagatang apoy (Apoc. 20:14). Ito ay kaayon ng pangako ni Cristo sa Kaniyang Iglesia na ang kapangyarihan ng kamatayan ay hindi mananaig dito (Mateo 16:18).

Sa kabilang dako, magiging mapalad din kaya ang mga hindi kaanib sa Iglesia o ang mga bubuhayin makaraan ang isang libong taon? Ganito ang matutunghayan sa Biblia:
"At kung maganap na ang isang libong taon, si Satanas ay kakalagan sa kaniyang bilangguan. At lalabas upang dumaya sa mga bansa na nasa apat na sulok ng lupa, sa Gog at sa Magog, upang tipunin sila sa pagbabaka: na ang bilang nila ay gaya ng buhangin sa dagat. At nangagsipanhik sila sa kalaparan ng lupa, at kinubkob ang kampamento ng mga banal, at ang bayang iniibig: at bumaba ang apoy mula sa langit, at sila'y nasupok." (Apoc. 20:7-9)
Ang hindi kasama sa unang pagkabuhay na mag-uli, na ito nga ay ang mga hindi kaanib sa Iglesia, ay sawimpalad sapagkat nakasulat sa Biblia na bagaman sila ay bubuhayin, ang apoy ay bababa mula sa langit upang sila ay supukin.

Mga mahal naming mababasa, huwag natin itong ipagwalang-bahala. Alisin natin sa ating isipan ang maling paniniwala na ang lahat ng relihiyon ay magkakapareho lamang sa harap ngh Diyos. Pawiin natin sa ating isipan ang paniniwala na walang pagkakaiba ang nasa loob at ang nasa labas ng tunay na Iglesiang kay Cristo. Gaya ng ating tinalakay, napakalaki ng pagkakaiba ng mga kay Cristo o kaanib sa kaniyang Iglesia kaysa hindi kaanib o hindi kay Cristo. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng pagiging ligtas sa hatol sa Araw ng Paghuhukom. Ang pagiging kay Cristo ay katumbas ng pagmamana ng mga pangako ng Diyos. Ang maging kay Cristo ay katumbas ng unang pagkabuhay na muli at paghaharing kasama ni Cristo sa Kaniyang pagparito.


Author: Greg F. Nonato
Source: God's Message Magazine: July 2011/ Volume 63/ Number 7/ ISSN 0116-1636/pp. 25-27

PAGKILALA AT PAGSAMBA SA TUNAY NA DIYOS



YAYAMANG ANG ISA sa pinakamahahalagang elemento ng relihiyon ay ang pagkilala at pagsamba sa Diyos, kaya dapat suriing mabuti ng bawat isa ang pagkilala at pagsamba sa Diyos ng kinaaaniban niyang relihiyon kung nais niyang makatiyak na siya’y kabilang sa mga tunay na mananamba at tunay ang kanyang relihiyong kaniyang kinabibilangan.

Ang tunay na mananamba ay nasa loob ng tunay na relihiyon at sumasamba sa tunay na Diyos. Itinuro ng ating Panginoong Jesucristo ang ganito:
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya” (Juan 4:23).
Inuuri Niya rito ang mga sumasamba sa Diyos. Mayroon Siyang tinutukoy sa talatang ito na mga tunay na mananamba. Ito’y nagpapahiwatig na mayroon ding mga hindi tunay na mananamba.

Mangyari pa, ang mga tunay na mananamba ay ang mga mananamba sa tunay na Diyos. Labag sa katuwiran na ituring na tunay na mananamba ang sinumang tao na ang kinikilala at sinasamba ay hindi ang tunay na Diyos. Alinmang pagsamba na hindi ang tunay na Diyos ang pinag-uukulan ng pagpupuri, pagpapasalamat, at pagluluwalhati ay hindi tunay, walang katuturan at hindi nakalulugod sa Diyos. Kahit sabihin pa na ang gayong mga pagsamba ay isinagawa na may kalakip na pagpapakasakit at pagpapagal, yaon ay hindi bibigyang halaga ng tunay na Diyos.

Kaya hindi mahirap tiyakin kung sino sa mga nagpapakilala ngayon na sila’y Cristiano ang mga tunay na mananamba. Aalamin lamang natin kung sino sa mga ito ang kumikilala at sumasamba sa tunay na Diyos. At upang hindi tayo madaya ng bulaang tagapangaral, si Cristo ang paniwalaan natin kung sino ang ipinakikilala Niyang Diyos, sapagkat ayon sa Kaniya:
“Ang nagsugo sa akin ay tunay, na hindi ninyo nakikilala. Siya’y nakikilala ko; sapagka’t ako’y mula sa kaniya, at siya ang nagsugo sa akin” (Juan 7:28-29).
Si Jesucristo ang inakala ng iba na Diyos. Siya raw ay isa sa mga persona ng tinatawag na Trinidad, bagaman maging ang mga nagtuturo ng gayong aral, ay nagsasabing wala sa Biblia ang Trinidad, ni ang sinasabing mga persona nito. Subalit kailanma’y hindi ipinakilala ni Cristo ang Kaniyang sarili bilang tunay na Diyos. Manapa’y ganito ang sabi Niya sa Kaniyang panalangin:
“Ama, dumating na ang oras. Luwalhatiin Mo ang ang Iyong Anak, upang luwalhatiin ka rin ng Iyong Anak,...At ito ang buhay na walang hanggan—ang makilala Ka nila, Ikaw na kaisa-isang tunay na Dios, at si Jesu-Cristong sinugo Mo” (Juan 17:1, 3, Salita ng Buhay )
Maliwanag na ang Ama ang kaisa-isang tunay na Diyos na kinilala at ipinakikilala ni Cristo. Sinumang nagsasabing siya’y tagasunod ni Cristo ay dapat maniwala at sumampalataya sa itinuro Niyang ito. Maliwanag din Niyang itinuro rito ang dakilang kahalagahan ng pagkilala sa tunay na Diyos—ito ang ipagkakaroon ng buhay na walang hanggan.

Sa kabilang dako, tiniyak naman ni Apostol Pablo na walang hanggang kapahamakan ang nakalaan sa mga hindi nagsisikilala sa Diyos:
“Na maghihiganti sa hindi nagsisikilala sa Dios, at sa kanila na hindi nagsisitalima sa evangelio ng ating Panginoong Jesus: Na siyang tatanggap ng kaparusahan, na walang hanggang kapahamakang mula sa harapan ng Panginoon at mula sa kaluwalhatian ng kaniyang kapangyarihan” (II Tes. 1:8-9).
Kaya hindi mabuting maliitin o bale-walain ng sinuman ang pagsusuri tungo sa pagkilala sa tunay na Diyos sapagkat ang nakataya rito ay ang buhay na walang hanggan at ang sinumang mahuhulog sa di pagkilala sa iisang tunay na Diyos ay nanganganib naman sa walang hanggang kapahamakan.

Ipinakilala rin ng mga apostol na ang Ama ang iisang tunay na Diyos. Pahayag ni Apostol Pablo:
"Bagama’t marami ang natuturingang ‘dios’ sa langit daw at sa lupa (dahil maraming dini-dios at pinapanginoon ang mga tao), iisa lamang talaga ang Dios—ang Ama na lumalang ng lahat” (I Cor.8:5-6, SNB ).
Ang aral na nagsasabing wala nang iba pang dapat kilalaning Diyos maliban sa Ama na Manlalalang ay itinuro sa panahon pa ng mga propeta. Ganito angsabi ni Propeta Malakias:
"Hindi ba iisa ang ating Ama at ito’y ang iisang Diyos na lumalang sa atin?” (Mal. 2:10, Magandang Balita Biblia ).
Samakatuwid, ang pagiging isa ay mahalagang katangian ng tunay na Diyos. Kaya, ang sinumang hindi kumikilala na ang Ama lamang ang iisang tunay na Diyos, wala nang iba pa, ay hindi tunay na mananamba kahit sabihin pang siya ay may isinasagawang pagpupuri at paglilingkod sa kinikilala niyang “diyos”. Bukod ditto, sinasalungat din niya ang itinuro ng Panginoong Jesuscristo, ng mga apostol at ng mga propeta tungkol sa Diyos—na ang Diyos ay iisa at Siya lamang ang Manlalalang.

Itinuro rin ng Panginoong Jesucristo kung ano ang likas na kalagayan ng tunay na Diyos na sinasamba ng mga tunay na mananamba sa Kaniya. Ganito ang sabi Niya:
“Datapuwa’t dumarating ang oras, at ngayon na nga, na sasambahin ng mga tunay na mananamba ang Ama sa espiritu at katotohanan: sapagka’t hinahanap ng Ama ang mga gayon na maging mananamba sa kaniya. Ang Diyos ay Espiritu: at ang mga sa kaniya’y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at katotohanan” (Juan 4:23-24).
Ang tunay na Diyos ay Espiritu. Nilinaw ng Panginoong Jesucristo kung ano ang kahulugan ng pagiging espiritu:
“Ang isang espiritu’y walang laman at mga buto, na gaya ng inyong nakikita na nasa akin” (Lucas 24:39).
Ang pahayag na ito ni Jesus ay katumbas na rin ng pagsasabing hindi Siya Diyos, sapagkat nakikita na nasa Kaniya (kay Jesus) ang laman at mga buto na hindi taglay ng Espiritu o ng Diyos.

Kung gayon, hindi maituturing na tunay na mananamba sa Diyos ang mga naniniwalang si Cristo ang Diyos at Siya ang sinasamba bilang Diyos. Si Cristo ay ipinag-uutos ng Diyos na sambahin hindi dahil Siya ang Diyos kundi ito’y dapat gawin para sa kaluwalhatian ng Diyos:
“Kung kaya’t sa pangalan ni Jesus ay luluhod ang lahat sa langit at sa ibabaw ng lupa at sa ilalim ng lupa, at ipahahayag ng lahat ng dila na si Jesu-Cristo ang Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama” (Filip. 2:10-11, SNB ).
Hindi rin maituturing na tunay na mananamba ang mga naniniwala sa Trinidad sapagkat hindi nila tinanggap ang aral na ang Ama lamang ang tunay na Diyos, wala nang iba liban sa Kaniya.

Ang sinabi ni Jesus na ang Ama, na iisang tunay na Diyos, ay walang laman at mga buto ay nagpapakilala sa isa pa sa mga katangian ng tunay na Diyos: hindi Siya nakikita. Ganito ang sabi ni Apostol Pablo:
"Ngayon sa Haring walang hanggan, walang kamatayan, di nakikita, sa iisang Dios, ay ang kapurihan at kaluwalhatian magpakailan kalian man. Siya nawa” (I Tim. 1:17).
At sapagkat ang tunay na Diyos ay hindi nakikita, hindi Siya maaaring igawa ng representasyon sa anyo ng larawan o rebulto. At ito’y ipinagbabawal, gaya ng sinabi ni Apostol Pablo:
“Hindi natin dapat iparis ang Dios sa isang imahen na gawa ng mga tao at yari sa ginto, pilak o bato” (Gawa 17:29, SNB ).
Mula pa nang mga unang panahon ay ipinagbawal na ng Diyos ang paggawa ng imahen o larawan sa layuning ito ay sambahin:
"Huwag kang gagawa para sa iyo ng larawang inanyuan o ng kawangis man ng anomang anyong nasa itaas sa langit, o ng nasa ibaba sa lupa, o ng nasa tubig sa ilalim ng lupa:  Huwag mong yuyukuran sila, o paglingkuran man sila; sapagka't akong Panginoon mong Dios, ay Dios na mapanibughuin, na aking dinadalaw ang katampalasanan ng mga magulang sa mga anak, hanggang sa ikatlo at ikaapat na salin ng lahi ng mga napopoot sa akin" (Exo. 20:4-5)
Kung gayon, hinid maaaring ituring na mga tunay na mananamba sa Diyos ang mga taong gumagamit ng imahen sa kanilang pagsamba sa Kaniya, manapa’y lumalabag sila sa kalooban ng Diyos at ang relihiyong nagtuturo ng gayon ay tiyak na hindi tunay. Bagaman pinangangatuwiranan ito ng iba at sinasabi nilang hindi raw ang larawan ang kanilang talagang pinupuri at sinasamba kundi ang Diyos na Siya raw ang pinag-uukulan nila ng lahat ng kanilang ginagawang paglilingkod sa harap ng larawan, subalit may pasiya na ang Diyos sa gayong uri ng pagsamba. Ang sabi Niya’y:
“Ako ang Panginoon; na siyang aking pangalan: at ang aking kaluwalhatian ay hindi ko ibibigay sa iba, o ang akin mang kapurihan sa mga larawang inanyuan” (Isa. 42:8).

Author: Bienvenido C. Santiago
Source: God's Message Magazine:  April 2009/ Volume 61/ Number 4/ ISSN 0116-1636/pp.19-20

ANG KINIKILALA NG DIYOS NA KANIYANG MGA ANAK



ANG KARANIWANG PANINIWALA ng marami, lahat ng tao ay mga anak ng Diyos dahil silang lahat ay Kaniyang nilalang. Ngunit ang hindi nila alam, nang magkasala ang mga tao ay itinakuwil sila ng Diyos bilang mga anak Niya. Ganito ang pahayag ng Biblia:
 “Sila‎’y nagpakasama. Dahil dito’y di na sila marapat tawaging anak, Isang lahing tampalasan at balakyot.” (Deut. 32:5, Magandang Balita Biblia)
Dahil sa kanilang kasalanan, ang mga tao ay itinakuwil ng Diyos bilang Kaniyang mga anak. Hindi lamang nawala ang kanilang karapatan sa pagiging anak ng Diyos, kundi sila ay itinuring pa ng Diyos na Kaniyang mga kaaway:
 “At kayo, nang nakaraang panahon ay nangahihiwalay at mga kaaway sa inyong pagiisip sa inyong gawang masasama.” (Col. 1:21)
Dahil sa ang mga tao ay naging kaaway ng Diyos, sila ay nakatakdang parusahan sa Araw ng Paghuhukom:
 “Kundi isang kakilakilabot na paghihintay sa paghuhukom, at isang kabangisan ng apoy na lalamon sa mga kaaway.” (Heb. 10:27)


UPANG MAGING ANAK NG DIYOS
Subalit hindi dapat mawalan ng pag-asa ang sinuman. Bagaman ang mga tao ay itinakuwil ng Diyos bilang Kaniyang mga anak, nagbigay naman Siya ng pagkakataon upang sila ay muling magkaroon ng karapatang maging mga anak Niya. Ganito ang sinasabi ng Biblia:
 “Datapuwa’t ang lahat ng sa kaniya‎’y nagsitanggap, ay pinagkalooban niya sila ng karapatang maging mga anak ng Dios, sa makatuwid baga’y ang mga nagsisisampalataya sa kaniyang pangalan.” (Juan 1:12)
Upang ang tao ay muling magkaroon ng karapatan na maging anak ng Diyos, dapat niyang tanggapin at sampalatayanan ang pangalan ng Panginoong Jesucristo.

Sa kasalukuyan, maraming tagapangaral, lalo na ng mga pangkatin na tinatawag na evangelicals o Protestante, na ang ipinagdiriinan ay, “Tanggapin si Jesus!” o “Sampalatayanan si Jesus.” Sapat na raw ito upang ang tao ay pagkalooban ng karapatang maging anak ng Diyos. Dahil dito, mahalagang suriin natin sa pamamagitan ng aral mismo ni Jesus kung sino ang kinikilala Niya na tunay na sumasampalataya sa Kaniya upang malaman natin kung sino ang naging mga anak ng Diyos. Ganito ang Kaniyang pahayag:
 “Datapuwa’t hindi kayo nagsisampalataya, sapagka’t hindi kayo sa aking mga tupa.” (Juan 10:26)
Ayon kay Jesus, kung hindi kabilang sa Kaniyang mga tupa ay hindi tunay na sumasampalataya. Papaano makikilala ang mga taong kabilang sa mga tupa ni Jesus? Ganito ang patuloy Niyang pagtuturo:
 “Dinirinig ng aking mga tupa ang aking tinig, at sila’y aking nakikilala, at sila’y nagsisisunod sa akin.” (Juan 10:27)
Ang mga taong nakikinig at sumusunod sa mga salita ni Jesus  ang kinikilala lamang Niya na Kaniyang mga tupa. Alin ang sinasalita ni Jesus na sinunod ng mga taong kabilang sa Kaniyang mga tupa?
 “Kaya’t muling sinabi ni Jesus, ‘Tandaan ninyo: ako ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. … Ako ang pintuan. Ang sinumang pumapasok sa pamamagitan ko’y maliligtas’.” (Juan 10:7, 9, MB)
Sinabi ni Jesus na Siya ang pintuang dinaraanan ng mga tupa. Ang mga taong pumasok sa Kaniya ang kinikilala Niyang kabilang sa mga tupa Niya. Saan napaloob ang mga tupang pumasok kay Jesus?
 “I am the door; anyone who comes into the fold through me shall be safe.” [ Ako ang pintuan; ang sinumang pumasok sa kawan sa pamamagitan ko ay magiging ligtas.] (John 10:9, New English Bible)
Ang mga pumasok kay Jesus ay kabilang sa kawan ng mga tupa. Ang kawan ng mga tupa ay tinawag ni Apostol Pablo na Iglesia ni Cristo:
 “Take heed therefore to yourselves and to all the flock over which the Holy Spirit has appointed you overseers, to feed the church of Christ which he has purchased with his blood.” [Ingatan ninyo kung gayon ang inyong sarili at ang buong kawan na rito’y hinirang kayo ng Espiritu Santo na mga katiwala, upang pakanin ang iglesia ni Cristo na binili niya ng kaniyang dugo.] (Acts 20:28, Lamsa Translation)
Malinaw, kung gayon, na ang mga pumasok o umanib sa Iglesia ni Cristo ay nakinig at sumunod sa salita ni Cristo. At dahil sa sila ang kinikilala ni Cristo na Kaniyang mga tupa na tumanggap at sumasampalataya sa Kaniya, sila ang nagtamo ng karapatang maging mga anak ng Diyos (Juan 1:12). Sa kabilang dako, hindi tunay na sumasampalataya ang mga taong ayaw dinggin at sundin ang sinabi ni Jesus na pumasok sa Kaniya sa loob ng Iglesia ni Cristo. At hindi rin sila tunay na mga anak ng Diyos.


ANG PANGAKONG MAMANAHIN NG MGA ANAK NG DIYOS
Ang pagiging anak ng Diyos ay malaking pagibig at pagpapalang ipinagkaloob sa mga kaanib sa Iglesia ni Cristo:
 “Masdan ninyo kung gaanong pagibig ang ipinagkaloob sa atin ng Ama, upang tayo’y mangatawag na mga anak ng Diyos; at tayo’y gayon nga. Dahil dito’y hindi tayo nakikilala ng sanglibutan, sapagka’t siya’y hindi nakilala nito.” (I Juan 3:1)
Bakit ang karapatan sa pagiging anak ng Diyos ay dapat ituring na malaking pag-ibig at pagpapalang kaloob Niya? Ganito ang sinabi ni Apostol Pablo:
 “Ang Espiritu rin ang nagpapatotoo kasama ng ating espiritu, na tayo’y mga anak ng Dios: at kung mga anak, ay mga tagapagmana nga; mga tagapagmana sa Dios, at mga kasamang tagapagmana ni Cristo; kung gayon nga makipagtiis tayo sa kaniya, upang tayo’y lumuwalhati namang kasama niya.” (Roma 8:16-17)
Ang mga anak ng Diyos lamang ang tiyak na mga kasamang tagapagmana ni Cristo.
Hindi ang lupang ito ang mamanahin ng mga anak ng Diyos kundi ang baong langit at bagong lupa na tinatahanan ng katuwiran:
“Nguni’t, ayon sa kaniyang pangako, ay naghihintay tayo ng bagong langit at bagong lupa, na tinatahanan ng katuwiran.” (II Ped. 3:13)

Doon ay wala nang pagluha, wala nang hirap o panambitan man at hindi na magkakaroon ng kamatayan (Apoc. 21:1-4). Kailan tatamasahin ng mga anak ng Diyos ang maligayang buhay sa Bayang Banal? Sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo. Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
 “Sapagka’t ang ating pagkamamamayan ay nasa langit; mula doon ay hinihintay naman natin ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesuscristo:
“Na siyang magbabago ng katawan ng ating pagkamababa upang maging katulad ng katawan ng kaniyang kaluwalhatian, ayon sa paggawa na maipagpapasuko niya sa lahat ng mga bagay sa kaniya.” (Filip. 3:20-21)
Itinuturing ng mga anak ng Diyos na ang kanilang pagkamamamayan ay hindi rito sa lupa kundi nasa langit. Matiyaga nilang hinihintay ang pagbabalik ng Panginoong Jesus sapagkat nalalaman nila na sa araw na yaon ay babaguhin ang kanilang katawan na pagkamababa (may kasiraan) at magiging katulad ng katawan ng Panginoon na maluwalhati (wala ng kasiraan). Ito ang dahilan kung bakit ang pagtatamo ng karapatan na maging anak ng Diyos ay isang napakadakilang kaloob at pagpapala na mula sa Kaniya.

Kabilang ka na ba sa mga anak ng Diyos? Kung hindi pa, nasain mong matamo ang dakilang kaloob at pagpapala na ito ng Diyos! Umanib ka sa tunay na Iglesia ni Cristo.



Author: Greg F.Nonato
Source: God's Message Magazine:  August 2008/ Volume 60/ Number 8/ ISSN 0116-1636/pp. 22-23

ANG IGLESIA NA IPINAKIKILALA NG BAGONG TIPAN



"Sa harap ng napakaraming iglesia sa kasalukuyan, dapat magpakatino at magpakaingat ang tao sa pagpili ng kaniyang aaniban."

SA KASALUKUYAN, NAPAKARAMING samahang panrelihiyon ang naglipana na nagpapakilalang sila'y tunay na sa Diyos at kay Cristo. Ang marami sa kanila ay may iba't ibang ipinang-aakit sa mga tao ─ may nangangako ng pagpapagaling, may nag-aalok ng pagyaman, may mga gumagawa ng himala, at iba pa. Sa kabila nito, hindi matututulan na ang tunay na Iglesia ay ang Iglesia na itinatag ng Panginoong Jesucristo na ipinakikilala sa Bagong Tipan ─ kung saan ay itinuturo kung ano ang tinatawag na "Iglesia" at kung ano ang kahalagahan nito.

Kaya, sa harap ng napakaraming iglesia sa kasalukuyan, dapat magpakatino at magpakaingat ang tao sa pagpili ng kaniyang aaniban upang hindi masayang ang kaniyang pinuhunan at sa halip ay pakinabangan ang kahalagahan ng tunay na Iglesia.

ANG MGA KAANIB SA IGLESIA AY TINAWAG
Papaano napapabilang o nagiging kaanib sa tunay na Iglesia ang tao? Upang ang tao ay maging bahagi o kaanib sa Iglesia ay kinakailangang tawagin siya ng Diyos:
"At paghariin ninyo sa inyong puso ang kapayapaang kaloob ni Cristo, sapagkat ito ang dahilan kaya kayo tinawag upang maging bahagi ng isang katawan. Magpasalamat kayong lagi." (Col. 3:15, Magandang Balita Biblia, amin ang pagdiriin)
Ang katawan na tinutukoy ay walang iba kundi ang Iglesia. Ang Iglesia ay katawan ni Cristo sapagkat Siya ang ulo nito (Col. 1:18). Ang tao ay nagiging bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa Iglesia kung siya ay tinawag ng Diyos.

Ano ang kahulugan ng "tinawag" kapag ipinatutungkol sa mga kaanib ng Iglesia? Papaano sila tinawag at ano ang dahilan ng pagtawag sa kanila? Ang pagtawag sa tao upang umanib sa Iglesia ay kasingkahulugan ng pagpili o paghirang ng Diyos sa kaniya:
"Sapagka't masdan ninyo ang sa inyo'y pagkatawag, mga kapatid, na hindi ang maraming marurunong ayon sa laman, at hindi ang maraming may kapangyarihan, hindi ang maraming mahal na tao ang mga tinawag: Kundi pinili ng Dios ang mga bagay na kamangmangan ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga marurunong; at pinili ng Dios ang mga bagay na mahihina ng sanglibutan, upang hiyain niya ang mga bagay na malalakas." (I Cor. 1:26-27, amin ang pagdiriin).
Ang mga tinawag sa Iglesia ay "pinili o hinirang ng Diyos." Kung gayon, dapat tiyakin ng sinumang tao na siya pinili, hinirang, o tinawag ng Diyos at ng Panginoong Jesucristo upang masiguro niya na siya ay bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib ng Iglesia na itinuturo ng Bagong Tipan.

ANG PAGTAWAG NG DIYOS
Paano malalaman ng tao kung siya ay hinirang o tinawag ng Diyos? Mahalagang suriin natin ang proseso o paraan ng Diyos sa pagtawag o paghirang sa tao upang maging bahagi o kaanib ng tunay na Iglesia. Ganito ang matutunghayan natin sa sulat ni Apostol Pablo:
"Sa kalagayang ito'y tinawag niya kayo sa pamamagitan ng aming evangelio, upang magkamit ng kaluwalhatian ng ating Panginoong Jesucristo." (II Tes. 2:14).
Ayon sa pagtuturo ni Apostol Pablo ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay tinawag ng Diyos sa pamamagitan ng pangangaral ng ebanghelyo. Sino naman ang nangaral sa kanila ng dalisay na ebanghelyo na kanilang sinampalatayanan at ginanap kaya sila ibinilang na kaanib sa tunay na Iglesia? Sa II Cor. 5:20 ay ganito ang ating mababasa:
"Kami nga'y mga sugo sa pangalan ni Cristo, na waring namamanhik ang Dios sa pamamagitan namin: kayo'y pinamamanhikan namin sa pangalan ni Cristo na kayo'y makipagkasundo sa Dios."
Ang kinasangkapan ng Diyos para mangaral ng ebanghelyo sa mga naging kaanib sa tunay na Iglesia ay ang mga sugo, tulad ng mga apostol. Kaya, sa pasimula ng ministeryo ni Jesus ay naghalala Siya ng mga apostol. Sila ay Kaniyang isinugo upang ipangaral ang ebanghelyo (Mat. 10:2-5). Inutusan Niya sila na ang sumampalataya sa kanilang pangangaral ay kanilang bautismuhan (Mar. 16:15-16). Ang pinangaralan ng mga sugo na sumampalataya at nabautismuhan ang ibinibilang na bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia:
"Tayong lahat, maging Judio o Griego, alipin man o malaya, ay binautismuhan sa iisang Espiritu upang maging isang katawan. Tayong lahat ay pinainom sa isang Espiritu." (I Cor. 12:13, MB)
Sinumang tao na bagama't kaanib ng isang iglesia ngunit ang nangaral sa kaniya ay hindi sinugo ng Diyos ay nasa labas ng tunay na Iglesia na ipinakikilala ng Bagong Tipan na dapat aniban ng bawat tao. Hindi siya kasama sa mga tinawag, pinili, o hinirang ng Diyos.

ANG LAYUNIN KAYA TINAWAG SA KATAWAN O IGLESIA
Bakit ang mga kaanib sa tunay na Iglesia ay kailangang tawagin ng Diyos? Ganito ang isinasaad sa sulat ni Apostol Pablo:
"Tapat ang Diyos na tumawag sa inyo upang kayo'y makipag-isa sa kanyang Anak na si Jesu-Cristong ating Panginoon." (I Cor. 1:9, Ibid.)
Magkakaroon ng katuparan ang pakikipag-isa kay Cristo kapag ang tao ay tinawag ng Diyos na maging bahagi ng katawan ni Cristo o kaanib sa tunay na Iglesia. Ang pakikipag-isang ito kay Cristo ang kalooban at layunin ng Diyos upang makamtan ng tao ang mga pagpapalang espirituwal at mapabilang sa itinalaga na maging mga anak ng Diyos:
"Magpagsalamat tayo sa Diyos at Ama ng ating Panginoong Jesu-Cristo! Pinagkalooban niya tayo ng lahat ng pagpapalang espirituwal dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo. At sa atin ngang pakikipag-isang ito, hinirang na niya tayo bago pa nilikha ang sanlibutan upang maging banal at walang kapintasan sa harapan niya. Dahil sa pag-ibig ng Diyos, tayo'y kanyang itinalaga upang maging mga anak niya sa pamamagitan ni Jesu-Cristo. Iyan ang kanyang layunin at kalooban." (Efe. 1:3-5, Ibid.)
Ang tumangging maging bahagi ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia ay sumasalungat sa layunin at kalooban ng Diyos.

Anu-ano ang mga pagpapalang espirituwal na matatamo ng tao na nakipag-isa kay Cristo sa paraang sila ay naging bahagi ng katawan ni Cristo o naging kaanib sa Iglesia? Ganito ang pahayag ni Apostol Pablo:
"Noong una'y mga patay kayo dahil sa inyong pagsuway at mga kasalanan. Sinunod ninyo noon ang masamang takbo ng sanlibutang ito at napailalim kayo sa prinsipe ng kasamaan, ang espiritung naghahari sa mga taong suwail. Dati, tayo'y kabilang sa mga ito, namuhay ayon sa pita ng laman at sinunod ang masamang hilig ng katawan at pag-iisip. Kaya't sa ating likas na kalagayan, kabilang tayo sa mga taong kinapopootan ng Diyos. Subalit napakasagana ang habag ng Diyos at napakadakila ang pag-ibig na iniukol niya sa atin. Tayo'y binuhay niya kay Cristo kahit noong tayo'y mga patay pa dahil sa ating pagsuway. (Naligtas nga kayo dahil sa kanyang kagandahang loob.) Dahil sa ating pakikipag-isa kay Cristo Jesus, tayo'y muling binuhay na kasama niya at pinaupong kasama niya sa kalangitan." (Efe. 2:1-6, Ibid.)
Malinaw ang pahayag ni Apostol Pablo kung bakit nais ng Diyos na ang tao ay makipag-isa muna kay Cristo sa paraang maging bahagi ng Kaniyang katawan o kaanib sa Iglesia. Dati, ang kalagayan ng hindi tinawag ay mga patay na dahil sa kanilang pagsuway o mga kasalanan; dati, sila ay kabilang sa mga taong kinapopootan ng Diyos; at dati, sila'y nasa ilalim ng prisipe ng kasamaan. Ngunit dahil sa napakasaganang habag at napakadakilang pag-ibig ng Diyos, tinawag Niya sila upang maging sangkap ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia upang sila ay makipag-isa kay Cristo. Dahil sa pakikipag-isang ito kay Cristo, sila ay binuhay ng Diyos at sila'y naligtas sa kaparusahan.

Kaya, kapag tinanggihan ng tao na maging bahagi ng katawan ni Cristo o maging kaanib sa tunay na Iglesia, ang katumbas nito ay tinatanggihan niya ang masaganang habag ng Diyos at ang Kaniyang napakadakilang pag-ibig.

Sa pagpapakilala ng Bagong Tipan, napakahalaga ng Iglesia na itinatag ni Cristo, sapagkat ito ang kahayagan ng masaganang habag ng Diyos at ng Kaniyang napakadakilang pag-ibig. Mahalaga ang Iglesia sapagkat ito ay itinatag ni Cristo upang ang mga tao ay magtamo ng mga pagpapalang espirituwal, at higit sa lahat, ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom.


Author:  Greg F. Nonato
Source: God's Message Magazine:  March 2008/ Volume 60/ Number 3/ ISSN 0116-1636/pp. 21-22

ANG MALAKING KINALAMAN NG KAHALALAN SA KALIGTASAN



KAHALALAN O KARAPATAN sa pagsasagawa ng tunay na paglilingkod sa Diyos at sa pagtatamo ng kaligtasan sa Araw ng Paghuhukom. Sa ganang mga nagtamo nito,  ito ay totoong napakahalaga kung kaya hindi sila papayag na ito ay mapinsala at mawala pa sa kanila. Lubos nilang sinasampalatayanan ang ipinahayag ng Panginoong Jesucristo na:
"... ang manatiling tapat hanggang wakas ay siyang maliligtas" (Mat. 24:13, Magandang Balita Biblia).
Maaaring sabihin ng iba na sila man ay naglilingkod din sa Panginoon, kaya kinikilala Niya sila, at may karapatan din sa pagtatamo ng kaligtasan. Subalit, ano ba ang pagtuturo ng Biblia kapag ang pinag-uusapan ay paglilingkod sa Diyos? Kahit sino na lamang bang nag-aangkin ng karapatan sa paglilingkod ay kinikilala ng Panginong Diyos na Kaniya at magtatamo ng kaligtasan? Ang sagot ng mga apostol:
"Datapwat kayo ay isang lahing hinirang, mga saserdote ng Hari, isang bansang nakatalaga sa Diyos. Pinili kayo ng Diyos upang maging kanya at maghayag ng mga kahanga-hangang gawa niya. Siya rin ang tumawag sa inyo mula sa kadiliman tungo sa kanyang kagila-gilalas na kaliwanagan. Dati-rati, kayo'y hindi bayan ng Diyos, ngunit ngayon, kayo'y bayang hinirang niya. Noon, pinagkaitan kayo ng habag, ngunit ngayo'y sumasainyo ang kanyang awa" (I Ped. 2:9-10, Ibid.).
Sana ay napansin ninyo ang sinabi ni Apostol Pedro na "kayo ay isang lahing hinirang." Samakatuwid, ang mga kausap niya rito ay mga taong may kahalalan o mga hinirang ng Diyos sapagkat sila ay tinawag at pinili Niya.

Ano ang kapalarang natamo ng mga binigyan ng kahalalan? Ayon sa Biblia, sila ay nasa kaliwanagan na, kinikilala na silang bayang hinirang ng Diyos na nagtamo ng Kaniyang habag. Dati ay wala sa kanila ang mga biyayang ito dahil wala pa silang kahalalan. At ang lalong malaking kapalaran na tatamuhin ng mga taong may kahalalan ay maluwag silang papapasukin sa kaharian ng Panginoong Jesus (II Ped. 1:10-11, Ibid.). Ang katumbas nito ay nakatitiyak sila sa pagtatamo ng kaligtasan.

Kung gayon, hindi totoo na basta ang tao ay maniwala, sumampalataya, at kumilala lamang sa Panginoong Diyos at sa Panginoong Jesus ay sapat na upang siya ay maging tunay na sa Kanila. Kailangan muna siyang hirangin, tawagin, at bigyan ng kahalalan para siya ay makapaglingkod sa Diyos. Paano ba pinatunayan ng mga apostol ang kanilang kahalalan? Ang sabi ni Apostol Pedro sa kanyang sulat ay mayroon silang panatag na salita ng hula (II Ped. 1:19). Ang hula ay paunang pahayag ng Diyos sa Kaniyang magiging gawain. Kaya ang mga apostol at ang mga unang Cristiano ay di basta nag-angkin lamang na sila ay sa Diyos at sa Panginoong Jesucristo kundi ang Diyos mismo ang nagbigay ng patotoo na sila ay Kaniyang pinili, tinawag, at hinirang.

Hindi kaya sa panahong ito ay binago na ng Diyos ang paraang ito ng pagbibigay sa tao ng karapatan sa paglilingkod? Hindi. Namamalagi ang pinagsasaligan ng Diyos sa pagkilala Niya ng mga Kaniya (II Tim. 2:19). Ang layunin, proseso, at kalooban ng Diyos ang dapat na sundin ng tao upang sila ay maligtas at hindi ang sariling gawa o paraan ng tao (Roma 9:11, MB). Ang katunayan pa na kapag hindi kalooban o pamamaraan ng Diyos ang sinunod ng tao sa kaniyang paglilingkod na isinasagawa, kahit pa siya ay tumatawag sa pangalan ng Panginoong Jesus, kahit pa nagpapalayas ng demonyo at gumagawa ng himala gamit ang pangalan Niya ay hindi siya kikilalanin bagkus ay ituturing pang masama at hindi Niya ituturing na kabutihan ang kaniyang ginagawa (Mat. 7:21-23, Bagong Magandang Balita Biblia).

Sa panahong ito na kung tawag ay "mga wakas ng lupa," mayroon bang ipinakikilala ang Panginoong Diyos na mga tinawag Niya at binigyan ng kahalalan bilang bayan Niya? Mayroon. Gaya ng pinatutunayan sa Isaias 62:11-12 (Lamsa Translation) na mga tinawag ng Diyos sa "mga wakas ng lupa" o "ends of the earth" at kinikilala Niyang bayan Niya, anak na babae ng Sion na tinubos ng Panginoon at may gantimpalang kaligtasan na tatamuhin. Ang "mga wakas ng lupa" gaya ng natalakay na sa mga nakaraan ay panahong malapit na ang wakas ng lupa. Ang wakas ng lupa ay ang Araw ng Paghuhukom. Kaya, kapag sinabing "mga wakas ng lupa," ito ay tumutukoy sa panahong malapit na ang Araw ng Paghuhukom.

Nagbigay ang Panginoong Jesucristo sa pamamagitan ng Kaniyang hula ng ilang palatandaan na kapag nakita ay mauunawaan nating nagsimula na ang panahong tinatawag na "mga wakas ng lupa"—ito'y ang mga digmaan, paglindol, kagutom, at kahirapan (Mat. 24:6-8). Ang digmaang tinutukoy rito ay ang Unang Digmaang Pandaigdig na sumiklab kaalinsabay ng pagbangon ng Iglesia ni Cristo sa Pilipinas noong Hulyo 27, 1914.

May binanggit din sa hula na "anak na babae ng Sion." Ang Sion na tinutukoy na may anak na babae ay ang Iglesia (Heb. 12:22-24, Living Bible). Iglesia o Sion na tinubos ng Panginoon. Sa Gawa 20:28 (Lamsa Translation) ay Iglesia ni Cristo ang tinubos ng dugo ng Panginoong Jesucristo. Tinawag na "anak na babae ng Sion" ang Iglesia ni Cristo sa "mga wakas ng lupa" sapagkat ito ang nalabing binhi (Apoc. 12:17). Kaya, hindi na ito ang unang Iglesia ni Cristo sa panahon ng mga apostol na natalikod sa tunay na pananampalataya kundi ang Iglesia ni Cristo sa ating panahon na lumitaw sa Pilipinas sa bisa ng mga hula na nakasulat sa Biblia.

At yayamang nalalapit na tayo sa Araw ng Paghuhukom, inaasahan ng Diyos sa mga binigyan Niya ng kahalalan at karapatan sa kaligtasan na tayo manatiling tapat sa pananampalataya dahil pinatutunayan din ng Biblia na sandaling panahon na lamang at ang Panginoong Jesucristo ay darating na at hindi maaantala (Heb. 10:32, 35, 37, New Living Translation). Kahit na makasagupa ang mga hinirang ng Diyos ng iba't ibang pagtitiis sa buhay na ito ay patuloy tayong magtitiyaga, mananatiling matatag hanggang wakas na sumusunod sa mga utos ng Panginoon at nagtitiwala sa Kaniya (Apoc. 14:12, Ibid.).

May ganito pang sinasabi ang Banal na Kasulatan tungkol sa mga sumusunod at naglilingkod sa Panginoon:
"At narinig ko mula sa langit ang isang tinig, na nagsasabi, Isulat mo, mula ngayon, mapalad ang naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan! At sinabi ng Espiritu, 'Totoo nga! Matatapos na ang kanilang paghihirap sapagkat ang kanilang ginawa ang magpapatunay sa kanilang karapatan'" (Apoc. 14:13, BMB).
Ipinasulat upang mabasa sa ating panahon na mapalad ang namalaging tapat na naglilingkod sa Panginoon hanggang kamatayan dahil matatapos na rin ang kanilang mga paghihirap pagdating ng Araw ng Paghuhukom.

Kaya laging nakahanda ang mga tunay na kaanib sa Iglesia ni Cristo sa pagbabalik ng Panginoong Jesucristo tulad ng pagdating ng magnanakaw (Lucas 12:39-40, 35-38, New Pilipino Version). Makakaya kaya ng mga hinirang ng Diyos na itaguyod ang kanilang mga paglilingkod sa Kaniya kahit na nga napakabigat, lalo na sa panahong ito, ng pagdadala ng buhay? May ganitong nakasulat na pahayag sa Isaias 43:2, na:
"Pag ikaw ay daraan, Sa karagatan, sasamahan kita; Hindi ka madadaig ng mga suliranin. Dumaan ka man sa apoy, Di ka maaano, Hindi ka maibubuwal Ng mabibigat na pagsubok" (MB).
Ganito ang pananalig ng mga hinirang ng Diyos na may mabibigat na dalahin sa kanilang buhay, kapag Siya ang kanilang kasama ay makakaya nila ang lahat ng pagsubok at suliranin na dumarating sa buhay.




Author: Mathusalem V. Pareja
Source: God's Message Magazine:  September 2011/ Volume 63/ Number 9/ ISSN 0116-1636/ pp.33-35