Monday, 8 July 2013

Gawa 2:21, Roma 10:13 Sapat naba ang tumawag sa Pangalan ng Panginoon ay maliligtas?

At mangyayari na ang sinomang tumawag sa pangalan ng Panginoon, ay maliligtas.” (Gawa 2:21)

Ang talatang ito ay malimit gamitin ng mga kaibayo para suportahan ang kanilang aral na sinumang tumawag sa Panginoon, ay maliligtas. Ang talata po ay tama, wala po kaming tutol dyan, san po kami tumututol? Sa maling unawa po ng mga gumagamit nito. Pinakakadiinan nila ang banggit na “sinuman” na hindi inunawa kung para kanino patungkol ang talata.  Ginagamit nila ang talata para patunayan na sapat na daw ang sumampalataya sa Pangalan ng Panginoon,at ligtas kana. Hindi nila alam na ang kanilang paniniwalang iyan ay komokontra o sumasalungat sa sinabi mismo ng Panginoon sa Mateo 7:21 na ganito ang  ating mababasa:

“Hindi ang bawa't nagsasabi sa akin, Panginoon, Panginoon, ay papasok sa kaharian ng langit; kundi ang gumaganap ng kalooban ng aking Ama na nasa langit.”


Ang kanilang maling unawa sa Gawa 2:21 na sapat na ang tumawag sa Pangalan ng Panginoon ay maliligtas na, ay sumasalungat sa sinabi mismong ito ng  ating Panginoong Jesus. Kaya po sino ang  ating paniniwalaan? Syempre po ang Tagapagligtas, ang Panginoong Jesus.


Ayon pa nga sa pahayag ng apostol na si Juan para mapakinggan ka ng Panginoon  kailangan tinutupad ng tao ang mga utos ng Dios, ganito po ang  ating mababasa sa I Juan 3:22, ating tunghayan:

“At anomang ating hingin ay tinatanggap natin sa kaniya, sapagka't tinutupad natin ang kaniyang mga utos at ginagawa natin ang mga bagay na kalugodlugod sa kaniyang paningin.”


Ano daw po? Siyang tumutupad sa mga  utos Niya ay siguradong pakikinggan at hindi lang sa basta pagtawag sa Pangalan ng Panginoon.  Ang isa po sa  utos ng Dios sa mga tao, ay ang tao dapat ,  makinig sa Kanyang Anak. Ito po ay mababasa natin sa Mateo 17:5 din, atin pong tunghayang muli:

“Samantalang nagsasalita pa siya, narito, ang isang maningning na alapaap ay lumilim sa kanila: at narito, ang isang tinig na mula sa alapaap, na nagsasabi, Ito ang sinisinta kong Anak, na siya kong kinalulugdan; siya ang inyong pakinggan.

Ang tao ay kailangang ding makinig sa  utos ni Jesus, sa Kanyang pa-anyaya na may kauganayan sa kaligtasan, at ito ay ang pagpasok sa Kanya.(Juan 10:9). Pero ang isang tao ay hindi basta-basta makapapasok sa katawan ni Cristo sa pamamagitan lang ng pananampalataya lamang o kaya naman basta manalangin lamang sa Pangalan ng Panginoon. Nilinaw Niya ito,kaya nga ayon sa Kanya:

“Muli ngang sinabi sa kanila ni Jesus, Katotohanan, katotohanang sinasabi ko sa inyo, Ako ang pintuan ng mga tupa.”

Inulit Niya ang paanyaya Niya sa Juan 10:7 na ating mababasa sa itaas.
Ang mga tao ay kailangang pumasok sa pintuan na si Cristo, para ang tao ay mapabilang sa kawan(Juan 10:16) o Iglesia ni Cristo (Gawa 20:28 Lamsa) Ang Iglesia ni Cristo nga po ay kailangan sa kaligtasan.


Ang isa pa pong ginagamit na talata ng mga nagtataguyod ng aral na “sinumang tumawag sa Pangalan ng Panginoon” ay maliligtas ay ang nasa Roma 10:13 na may ganitong mababasa:

“Sapagka't, Ang lahat na nagsisitawag sa pangalan ng Panginoon ay mangaliligtas.”

Ang talatang ito ay ginagamit nila upang ipakita na hindi na kailangan ang Iglesia para maligtas.  Pero, subalit at datapuwat, sino po ang tinutukoy  sa talata na mga taong “tumawag lamang sa Pangalan ng Panginoon”? Sa Roma din, sa kapitulo 10 pa din at ang talata ay 14 at 15, ganito po ang  ating matutunghayan:

“Paano nga silang magsisitawag doon sa hindi nila sinampalatayanan? at paano silang magsisisampalataya sa kaniya na hindi nila napakinggan? at paano silang mangakikinig na walang tagapangaral? At paano silang magsisipangaral, kung hindi sila nga sinugo? gaya nga ng nasusulat, Anong pagkaganda ng mga paa niyaong mga nagdadala ng masasayang balita ng mga bagay na mabuti!”

Ang mga taong tumatawag sa Pangalan ng Panginoon na tinutukoy ay yaong mga sumampalataya sa ebanghelyo na ipinangaral ng tunay na sugo ng Dios. Ang mga taong ito ay ang mga kaanib sa Iglesia Ni Cristo.
Kaya hindi basta pagtawag lang sa Pangalan ng Panginoon ay maliligtas na, kailangan may personal na kaugnayan ito sa Kanya. Kailangan ikaw ay nasa tunay na Iglesia Ni Cristo at hindi sa kung saan-saan lang na Iglesia na nag-aangkin ding Kristyano.


No comments:

Post a Comment

Note: only a member of this blog may post a comment.