Saturday, 15 February 2014

Sa Pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa Panginoong Jesus, sumasamba nga ba sa tao ang mga kaanib?

Sa ginagawang pagsamba ng Iglesia ni Cristo sa ating Panginoong JesuCristo, sumasamba nga ba sa tao ang mga kaanib nito? Pag sinasabi po ng mga kaanib na kaya sinasamba dahil utos ng Diyos na sambahin, kaya kami sumasamba kay Cristo, sasabihin nila agad bilang tuligsa sa sagot, kasi hindi naman nila nauunawaan ang sinasabi ng mga talata ay: “BLAME GOD”.
Nakikita po ninyo ang pagiging lapastangan nila sa Diyos sisihin daw ang Diyos kasi iniutos, na bunga lamang ng hindi nila pagkaunawa sa talata?

Ito po ang madalas na sabihin ng mga tumutuligsa sa Iglesia ni Cristo, dahil nga po sa ang Iglesia ni Cristo ay naniniwala at sumasampalataya na ang Panginoong Jesus ay tao sa likas na kalagayan(Juan 8:40) na labag nga daw sa aral na nakasulat sa biblia na sambahin ang tao, at dapat sa Diyos lang sumamba.

Tama naman po yan, kasi iyan po ang isinasaad ng talata sa biblia.

 Sa Lucas 4:8 ay ganito nga po ang  ating mababasa, atin pong tunghayan:

At si Jesus ay sumagot at sinabi sa kaniya, Nasusulat, Sa Panginoon mong Dios sasamba ka, at siya lamang ang iyong paglilingkuran.”

At sa Apoc.22:8-9 naman po ganito din po ang  ating mababasa:

“At akong si Juan, ako ang nakarinig at nakakita ng mga bagay na ito. At nang aking marinig at makita, ay nagpatirapa ako upang sumamba sa harapan ng anghel na nagpakita sa akin ng mga bagay na ito.  At sinasabi niya sa akin, Ingatan mong huwag gawin iyan: ako'y kapuwa mo alipin at ng iyong mga kapatid na mga propeta, at ng mga tumutupad ng mga salita ng aklat na ito: sumamba ka sa Dios.”

Katulad nga daw po nangyaring ginawa ni Juan na kahit sa anghel ay hindi hinayaang sumamba kasi ang dapat lang daw sambahin ay ang Diyos.

 Kung anghel nga daw ay hindi pwedeng sambahin tao pa? Sa ganitong pangangatuwiran nga po kung mahina ang iyong pananampalataya, masasabi mo sigurong, “oo nga ano” may punto.

Subalit bago po tayo gumawa ng ganyang reaksyon, tama nga ba  na sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo kay Cristo, ay sumasamba sa tao ang mga kaanib?

Ang sagot po ay HINDI!

Baka sabihin ninyo, teka, sandal lang! diba naniniwala kayong tao si Cristo, tapos sinasamba ninyo, eh di sumasamba nga kayo sa tao?

Ang sagot nga po ay HINDI! 

Hindi naman po kasi dahil tao si Cristo o ano pa man, o mas lalong hindi dahil Siya ay Diyos, kaya sinamba?

Ang isa po sa utos ng Diyos na sambahin si Cristo ay mababasa sa Hebreo 1:4-6 na ganito ang  ating mababasa, tunghayan po natin…..


“Na naging lalong mabuti kay sa mga anghel, palibhasa'y nagmana ng lalong marilag na pangalan kay sa kanila.  Sapagka't kanino nga sa mga anghel sinabi niya kailan man, Ikaw ay aking Anak, Ikaw ay aking ipinanganak ngayon? at muli, Ako'y magiging kaniyang Ama, At siya'y magiging aking Anak? At muli nang dinadala niya ang panganay sa sangkalupaan ay sinasabi, At sambahin siya ng lahat ng mga anghel ng Dios.”


Hayan po, atin pong mababasa na “nagmana ng lalong marilag na pangalan kesa mga anghel, kaya ipinasamba sa kanila.

Dito po nangangatuwiran ang karamihan na tumutuligsa sa pagsamba ng Iglesia ni Cristo, na hindi naman daw kasama ang tao sa pinasasamba kundi mga anghel lang, bakit sasamba pati tao? 

Tama po kaya sila na kesyo hindi mababasa sa Hebreo 1:6 na pati tao ay pinasasamba, kaya hindi kasali ang tao sa sasamba sa Cristo.

 Kaya  mali daw talaga ang Iglesia ni Cristo, kasi kaya daw ipinasamba si Cristo kasi Diyos. 

Ang tanong po, iyan din po ba ang sinasabi ng talata? Ang sagot, Hindi po, ano po kang gayon ang sinsasabi nila?
 Iyan po ay pangangatuwiran lamang po nila, kasi hindi nga din sinabi ng talata na Diyos si Cristo kaya ipinasasamba.

Ituloy po natin ang ating pagsusuri, kung ganun saan po nakasulat na dapat sambahin si Cristo ng mga tao?

Sa Filipos 2:9-11 ay ganito po ang  ating mababasa, atin pong tunghayan….

“Kaya siya naman ay pinakadakila ng Dios, at siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan;  Upang sa pangalan ni Jesus ay iluhod ang lahat ng tuhod, ng nangasa langit, at ng nangasa ibabaw ng lupa, at ng nangasa ilalim ng lupa, At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.”


Sa talata po ating mapapansin ang mga banggit na,”lahat ng tuhod” Sa lahat po ng may tuhod, ang tao po ba walang tuhod? 

Ang sagot po natin syempre po ang tao ay may tuhod, kaya kasama ang tao sa pinasasamba. 

Sa English “all knees shall bow down” na ang kahulugan nga ay pagsamba.

Sa talata din ating nabasa na katulad ng nasa Heb.1:4 nagmana ng marilag na pangalan, dito naman sa Filipos 2:9 ating nabasa na “siya'y binigyan ng pangalang lalo sa lahat ng pangalan”  upang ano daw?

 Sa pangalan na iyan ay ay iluhod ang lahat ng tuhod.

Tanong: Ano ang ibinigay?

 Ang sagot: Pangalan

Tanong: Sino ang nagbigay?

Sagot: Ang Ama!

Bakit natin natitiyak na ang Ama ang nagbigay, samantalang wala naman tayong mababasa na Ama sa talata?
 Simple lang ang ating sagot dyan, alam naman natin na ang biblia ay hindi lang Filipos 2:9 meron pang ibang talata na nakasulat sa biblia. Kung gayon, pano po natin natitiyak na ang Diyos na binabanggit sa talata ay ang Ama? Hindi po tayo magkukuro-kuro, biblia din po ang sasagot sa atin. Sa Juan 17:11 ganito po an gating mababasa, atin pong tunghayan muli…..

“At ngayon, ako’y papunta na sa iyo; iiwanan ko na ang sanlibutang ito, ngunit sila ay nasa sanlibutan pa. Amang banal ingatan mo sila sa pamamagitan ng kapangyarihan ng IYONG PANGALAN, ANG PANGALANG IBINIGAY MO SA AKIN, upang kung paanong ikaw at ako ay iisa, gayundin naman sila’y maging isa.”

Nakita po natin, binanggit ng Panginoong Jesucristo na “Amang Banal” kung gayon ang pangalan na ibinigay sa Cristo ay galing sa Ama.

Ang tagpo pong iyan ay panalangin ni Cristo para itagubilin ang mga kaanib sa Iglesia bago Siya umakyat sa langit. 

Pinaiingatan sa kapangyarihan ng Pangalan, Pangalang ibinigay sa Kanya. Maliwanag na ang pangalang taglay ni Cristo ay bigay ng Diyos. Sa ating mga pagsamba, nanalangin po tayo, ano naman po ang turo ni Cristo pag nanalangin? 

Hindi po ulit tayo manghuhula, biblia po ulit ang sasagot sa atin. Sa Lucas 11:1-2 ganito po ang  ating mababasa, tunghayan po nating muli……

At nangyari, nang siya'y nananalangin sa isang dako, nang siya'y matapos, ay sinabi sa kaniya ng isa sa kaniyang mga alagad, Panginoon, turuan mo kaming manalangin, na gaya naman ni Juan na nagturo sa kaniyang mga alagad.  At sinabi niya sa kanila, Pagka kayo'y nagsisipanalangin, inyong sabihin, Ama, Sambahin nawa ang Pangalan mo. Dumating nawa ang kaharian mo”

Alin po ang ipinasasamba? “ANG PANGALAN ng Diyos.

 Ano ang Pangalang ibinigay ng Diyos sa Anak? Muli po sa biblia po ulit tayo babasa, sa Gawa 4:10-12, ganito naman po an gating mababasa:

“Talastasin ninyong lahat, at ng buong bayan ng Israel, na sa pangalan ni Jesucristo ng taga Nazaret, na inyong ipinako sa krus, na binuhay ng Dios na maguli sa mga patay, dahil sa kaniya ay nakatindig ang taong ito sa inyong harap na walang sakit. Siya ang bato na itinakuwil ninyong mga nagtayo ng bahay, na naging pangulo sa panulok. At sa kanino mang iba ay walang kaligtasan: sapagka't walang ibang pangalan sa silong ng langit, na ibinigay sa mga tao, na sukat nating ikaligtas”


Hayan, maliwanag na po kung bakit sa panalangin ng Panginoong Jesus ay pinaiingatan sa kapangyarihan ng Pangalan, pangalang bigay ng Ama, kasi iyan pala ang ikaliligtas ng mga inihabilin Niya.

 Iyan din ang Pangalang taglay Niya na galing sa Ama.

 Balikan natin ang sinasabi ng Filipos 2:9-11, Mababasa natin na sinasabi ng talata na: “At upang ipahayag ng lahat ng mga dila na si Jesucristo ay Panginoon, sa ikaluluwalhati ng Dios Ama.”

Taglay ni Cristo ang Pangalang galing sa Ama, kaya po naluluwalahati ang Ama dahil ang totoong sinamba ay ang Pangalan bigay, katulad ng turo ni Cristo sa Lucas 11:2

 “………Sambahin nawa ang Pangalan mo” Hindi po tao ang sinasamba kundi ang Pangalan ng Diyos na taglay ni Cristo.

 Ang tunay po na pagsamba ay lubusang pagpapasakop sa kalooban ng Diyos. Hindi po natin. Ito po ang itinuro ni Cristo mismo sa Juan 4:24, basahin pong muli natin….

Ang Dios ay Espiritu: at ang mga sa kaniya'y nagsisisamba ay kinakailangang magsisamba sa espiritu at sa katotohanan.”

Ano po ang katotohanan ayon sa biblia? Basa: Juan 17:17…….

“Pakabanalin mo sila sa katotohanan: ang salita mo'y katotohanan”


Alin ang katotohanan?  Ang salita ng Diyos! 

Ang pagsamba ba kay Cristo utos ng Diyos?   Opo! 

Sa pagsunod ba sa kalooban ng Diyos, napapapurihan ang Diyos?   Opo! 

Tao ba ang sinamba?   Hindi po!